Martes, Disyembre 2, 2014

Ang Pagluhod ba sa Isang Imahen o Larawan ay ang Marapat na Pagsamba sa Diyos?



                     Ang Pagsamba sa larawan na isinasagawa ng relihiyong Hinduismo

Exodo 20:3-5  “Huwag kang magkakaroon ng ibang mga dios sa harap ko.  Huwag kang gagawa para sa iyo ng larawang inanyuan o ng kawangis man ng anomang anyong nasa itaas sa langit, o ng nasa ibaba sa lupa, o ng nasa tubig sa ilalim ng lupa:  Huwag mong yuyukuran sila, o paglingkuran man sila; sapagka't akong Panginoon mong Dios, ay Dios na mapanibughuin, na aking dinadalaw ang katampalasanan ng mga magulang sa mga anak, hanggang sa ikatlo at ikaapat na salin ng lahi ng mga napopoot sa akin;”


Subalit ang nakapagtataka, kapag ang nasabing talata ay ating binasa sa isang Katoliko at aming sinabi sa kanila na sila man ay nagsasagawa ng ganitong gawain, ang agad nilang sinasabi ay ganito:
 

“Hindi naman namin sinasamba ang mga imahen o rebulto na nasa aming mga simbahan, ang mga iyon ay amin lamang iginagalang. Ang turo sa amin ng mga Pari ay ang Diyos ang aming dapat na sambahin.  May mga larawan kami sa aming mga simbahan ng mga Santo at Apostoles hindi upang  sambahin kundi sila ay amin lamang ginugunita sa pamamagitan ng mga larawang iyon.”



                  Ang mga larawan at mga imahen, na niluluhuran at pinaglilingkuran sa Iglesia Katolika


At dahil ganito ang kanilang nasa isipan, kung kaya madalas ay nagdaramdam sila at nagagalit  sila sa mga ministro at  maging sa mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo kapag sila ay napupuna.  May nagsasabing bakit daw hindi na lang ang ituro ng mga ministro namin ay ang aming sariling aral, matuto raw kaming gumalang sa pinaniniwalaan ng iba.

Subalit ang sinusunod namin ay ang sinasabi ng Biblia.  Dapat bang isawalang-kibo ng isang tao kung may nakikita siyang maling ginagawa ng kaniyang kapuwa na ikapapahamak niya? Wala ba siyang gagawin kung alam niya naman ang tama at hindi niya ipagmamalasakit ang kaniyang kapuwa? Ganito ang sabi ng Biblia:

Judas 1:23  “At ang iba'y inyong iligtas, na agawin ninyo sa apoy; at ang iba'y inyong kahabagan na may takot; na inyong kapootan pati ng damit na nadungisan ng laman.”

Ang isang tao na nasa katotohanan ay may pananagutan na dapat gawin, kailangan niyang iligtas ang kaniyang kapuwa at agawin sa apoy, ang apoy na tinutukoy ay ang kaparusahang walang hanggan na ito ay ang dagatdagatang apoy na siyang ikalawang kamatayan:

Apocalypsis 20:14  “At ang kamatayan at ang Hades ay ibinulid sa dagatdagatang apoy. Ito ang ikalawang kamatayan, sa makatuwid ay ang dagatdagatang apoy.”

Dahil ang gawang pagluhod at pagsamba sa isang larawan ay isang gawaing magdadala sa tao sa kapahamakang walang hanggan:

Apocalypsis 21:8  “Nguni't sa mga duwag, at sa mga hindi mananampalataya, at sa mga kasuklamsuklam, at sa mga mamamatay-tao, at sa mga mapakiapid, at sa mga manggagaway, at sa mga mapagsamba sa diosdiosan, at sa lahat na mga sinungaling, ang kanilang bahagi ay sa dagatdagatang nagniningas sa apoy at asupre; na siyang ikalawang kamatayan.”

Ang tinatawag na “diosdiosan” ay yung mga larawan na sinasamba na tulad sa Diyos, kaya tinawag na “diosdiosan” ay sapagkat hindi ito tunay na Diyos. Tulad ng salitang “kotse-kotsehan” hindi tunay na kotse, “bahay-bahayan” hindi tunay na bahay.  Maliwanag na sinabi sa atin ng Biblia na ang mga gumagawa ng pagsamba, pagluhod, at paglilingkod sa mga larawan, imahen, o mga rebulto ay isang gawaing kasuklamsuklam sa paningin ng Diyos at ito ay kanilang ikapapahamak sa dagatdagatang apoy na kilala sa tawag na impierno.

Subalit, sinasabi nga ng mga Katoliko na hindi sila sumasamba sa larawan, ang kanilang ginagagawa bagamat nakaharap sa isang rebulto o imahen ay patungkol daw sa Diyos.  Kaya hindi daw maaari na mapahamak sila, dahil ang paparusahan daw sa Biblia ay iyong mga sumasamba sa mga larawan, at hindi naman daw ganun ang kanilang ginagawa kaya huwag daw silang paratangan ng hindi nila gawain.

Totoo nga kaya ang kanilang pangangatwirang ito? Hindi nga kaya talaga sila sumasamba sa mga larawan o imahen, at mga rebulto?  Atin tunghayan ang pag-amin ng kanilang mga Pari.


Ang Pag-amin ng Simbahang Katoliko

Ang mga awtoridad Katoliko, mga Pari, ay karaniwan ng gumagawa at naglalathala ng mga Aklat na siyang ginagamit nila sa kanilang pagtuturo.  Marahil ay ikagugulat ng isang Katoliko na nagsasabi na siya’y hindi sumasamba sa larawan kung kaniyang makikita at mababasa na ang kanilang mga aklat mismo na sinulat ng kanilang mga Pari ay umaaamin na sila nga ay sumasamba sa larawan.

Narito ang katibayan, sa isang aklat Katoliko na may pamagat na “Siya ang Inyong Pakinggan:  Ang Aral na Katoliko, na sinulat ng isang pari na si Enrique Demond, ay ganito ang ating mababasa:

“Kung ating sinasamba ang larawan ni Kristong napapako sa Krus, dinadasal natin: ‘Sinasamba kita at pinupuri, Panginoon kong JesuCristo,…”    [Siya ang Inyong Pakinggan: Ang Aral na Katoliko, sinulat ni Padre Enrique Demond, inilathala ng Catholic Trade School, may imprimatur ni Jose Bustamante, pahina 12 ]

Kitang-kita sa aklat na ito ang pag-amin ng Pari na ang mga Katoliko’y sumasamba sa larawan, sa pagsasabing sinasamba nila ang larawan ni Cristo.  Pero kahit na sabihin pa nila na ang sinasamba nila ay ang larawan ni Cristo, ay wala naman po tayong mababasa kailan man sa mga pahina ng Biblia na ipinag-utos na sambahin ang larawan ni Cristo, kaya maliwanag kung gayon na talagang sumasamba sila sa larawan.

Hindi lamang iyon, narito pa ang isa, Isang munting aklat Katoliko na may pamagat na “Catesismo”  na tinagalog ng Pari na si Luis de Amezquita , ganito naman ang ating mababasa:

“ Pagbangon mo sa banig ay agad kang manikluhod sa harap ng isang Krus o isang mahal na larawan. Kung maninikluhod ka sa tapat ng Altar magwika ka ng ganito:  Sinasamba kita,”  [Catesismo, ni Padre Luis de Amezquita, pahina 79 at 82].

Dito naman sa aklat na ito ay maliwanag na inuutusan ang isang Katoliko na agad na manikluhod o lumuhod pagkagising sa harap ng isang Krus o isang mahal na larawan, at pagkatapos ay sasabihin sa harapan nito ang mga katagang: “Sinasamba Kita”.  Hindi ba iyan maliwanag na pag-uutos sa isang Katoliko na lumuhod at sumamba sa isang Larawan?
Kaya nga sabihin man nila na hindi sila sumasamba kung ang nakikita naman natin ay ang kanilang ginagawa: sila ay lulumuluhod at nananalangin sa harapan ng mga larawan ng mga tinatawag nilang mga Santo, hindi ba iyon ang nagpapatunay na sila ay sumasamba dito?  Dahil sa Biblia ang katumbas ng gawang pagyukod o pagluhod ay pagsamba, basahin natin:

Awit 95:6  “Oh magsiparito kayo, tayo'y magsisamba at magsiyukod; tayo'y magsiluhod sa harap ng Panginoon na May-lalang sa atin.”

At maliwanag namang sinabi ng Diyos na ang pagyukod o pagluhod sa mga ito ang kaniyang ipinagbabawal hindi po ba? Balikan po natin ang sinasabi ng Diyos sa aklat ng Exodo:

Exodo 20:3-5  “Huwag kang magkakaroon ng ibang mga dios sa harap ko.  Huwag kang gagawa para sa iyo ng larawang inanyuan o ng kawangis man ng anomang anyong nasa itaas sa langit, o ng nasa ibaba sa lupa, o ng nasa tubig sa ilalim ng lupa:  Huwag mong yuyukuran sila, o paglingkuran man sila; sapagka't akong Panginoon mong Dios, ay Dios na mapanibughuin, na aking dinadalaw ang katampalasanan ng mga magulang sa mga anak, hanggang sa ikatlo at ikaapat na salin ng lahi ng mga napopoot sa akin;”

Kaya ang mismong pagluhod na ginagawa ng mga tao sa mga larawang ito, ay ang mismong ipinagbabawal ng Panginoong Diyos.  Aminin man nila o hindi, ang ginagawa nilang ito ay maliwanag na pagsamba at pagluhod sa mga larawan na kasuklam-suklam sa Panginoong Diyos. Binanggit din ng Diyos na hindi natin dapat paglingkuran ang mga larawang ito.  Hindi ba’t nakikita nating kanilang pinapasan, binibihisan, sinasabitan ng mga bulaklak, ipinagpuprusisyon, pinapahiran ng panyo, ipinagpipiyesta at kung anu-ano pa na ito’y maliwanag na pagsisilbi o paglilingkod sa larawan na hindi rin po dapat na gawin.

Kumuha pa tayo ng dagdag na katibiyan ng kanilang pag-amin sa gawaing ito, sa isa pang aklat Katoliko:

“13. Ang pagsamba ba sa mga santo ay ukol lamang sa kanilang katauhan?
             
Hindi, sumasaklaw din ito sa kanilang mga relikya at mga larawan.”

“14. Ano ang tinatawag nating mga relikya?

       Tinatawag nating mga Relikya:
1.            Ang mga labi ng katawan ng isang santo na pinapaging-binal o inihanda sa pagiging banal ng Iglesia [Katolika];”

2.                Ang mga bagay na naging pag-aari ng mga santo, o yaong napadaiti sa kanilang mga katawan: tulad ng kanilang kasuotan, mga ataol, at iba pa

“15. Dapat ba nating sambahin ang mga banal na larawan?
        
            Dapat tayong magkaroon lalo na sa ating mga simbahan, ang mga larawan ng ating Panginoong, tulad ng sa pinagpalang Birhen at mga santo, at dapat natin silang bigyan ng kaukulang paggalang at pagsamba”.  [Salin sa Filipino mula sa Cathecism of Christian Doctrine, inilathala ng De La Salle College, pahina 95]

Maliwanag na ipinakita sa atin ng aklat Katolikong ito na ang sinasamba nila sa isang kinikilala nilang santo ay ang kaniyang katauhan, larawan, at relikya. Hindi po ba ang mga santo ay mga tao lamang? Sinasabi po ng aklat na ito na ang mga larawan ng mga santo ay dapat nating sambahin. Dapat po ba tayong lumuhod sa harapan ng mga tinatawag na santo o iyong mga taong banal?

Si Apostol Pedro ay kinikilalang santo sa Iglesia Katolika na tinatawag nilang San Pedro  na nakikita rin natin na kanilang niluluhuran.  Pumapayag ba si Apostol Pedro na siya ay luhuran?  Basahin natin?

Mga Gawa 10:25-26  “At nangyari, na pagpasok ni Pedro, ay sinalubong siya ni Cornelio, at nagpatirapa sa kaniyang paanan, at siya'y sinamba. Datapuwa't itinindig siya ni Pedro, na sinasabi, Magtindig ka; ako man ay tao rin.”

Kita ninyo nang magpatirapa o lumuhod si Cornelio sa harap ni Apostol Pedro ay hindi siya pumayag sa ginawa niyang ito?  Kung mismo noon ay hindi pumapayag ang mga Apostol na sila yukuran at sambahin, sa palagay po ba natin ay papayag sila na sambahin at luhuran ang kanilang mga larawan?

Sana po imbes na ipagdamdam ninyo ang aming paglalahad na ito ay inyong ituring na isang pagmamalasakit sa inyo, dahil hindi po talaga pumapayag ang Panginoong Diyos sa ganitong gawain. Kami po ay nagsasabi ng katotohanang ito batay sa mga salita ng Diyos na nakasulat sa Biblia na sana po’y siyang ating tanggapin, paniwalaan, at higit po sa lahat ay ating sundin.


Hindi Maigagawa ng Larawan ang Diyos

Marami ang nag-aakala na ang Diyos ay may larawan, na ito nga ay ang nakikita nating isang anyo ng isang magandang lalake na may mahabang buhok at may balbas.  Subalit sa katotohanan, ang Diyos po ba ay may anyo?  Atin pong basahin ang paghahayag ng Diyos mismo:

Deuteronomio 4:15  “Ingatan nga ninyong mabuti ang inyong sarili; sapagka't wala kayong nakitang anomang anyo nang araw na magsalita ang Panginoon sa inyo sa Horeb mula sa gitna ng apoy:”

Maliwanag ang pahayag ng Diyos na siya ay walang anomang anyo. Bakit? Ano ba ang kalagayan ng Diyos?

Juan 4:24  “Ang Dios ay Espiritu: at ang mga sa kaniya'y nagsisisamba ay kinakailangang magsisamba sa espiritu at sa katotohanan.”

Maliwanag ang sagot ng Panginoong Jesus, ang Diyos ay Espiritu, ano ba ang isang espiritu?

Lucas 24:39  “Tingnan ninyo ang aking mga kamay at ang aking mga paa, ako rin nga: hipuin ninyo ako, at tingnan; sapagka't ang isang espiritu'y walang laman at mga buto, na gaya ng inyong nakikita na nasa akin.”

Ang isang Espiritu ay walang laman at mga buto, samakatuwid ang Diyos ay walang laman at mga buto kaya wala siyang anomang anyo. Eh maigagawa ba siya ng larawan?

Isaias 46:5  “Kanino ninyo ako itutulad, at ipaparis, at iwawangis ako, upang kami ay magkagaya?”

Maliwanag ang pahayag ng Diyos, wala siyang kagaya, kawangis o kamukha, kaya imposible na maigawa ng tao ang Diyos ng larawan, dahil hindi nakikita ang Panginoong Diyos:

1 Timote 1:17  “Ngayon sa Haring walang hanggan, walang kamatayan, di nakikita, sa iisang Dios, ay ang kapurihan at kaluwalhatian magpakailan kailan man. Siya nawa.”

Kaya po kung may magsasabi sa atin na ang isang larawan ay iyon ay mukha ng Diyos, tiyak na tiyak na natin na hindi totoo ang kaniyang sinasabi, dahil hindi kailanman maaaring maigawa ng larawan ang Diyos. At kailanman ay hindi niya ibibigay ang kaniyang kaluwalhatian at kapurihan sa mga larawang inanyuan lamang ng tao:

Isaias 42:8  “Ako ang Panginoon; na siyang aking pangalan: at ang aking kaluwalhatian ay hindi ko ibibigay sa iba, o ang akin mang kapurihan sa mga larawang inanyuan.”


Ang Marapat na Pagsamba

Paano ba natin magagawa ang marapat na pagsamba sa Diyos? Atin na pong nalaman na hindi sa pamamagitan ng paggamit ng mga larawan. Atin pong tunghayan ang pahayag ng Panginoong Jesus:

Juan 4:23  “Datapuwa't dumarating ang oras, at ngayon nga, na sasambahin ng mga tunay na mananamba ang Ama sa espiritu at katotohanan: sapagka't hinahanap ng Ama ang mga gayon na maging mananamba sa kaniya.” 

Sabi ng Panginoong Jesus ang mga tunay na mananamba sa Diyos ay sinasamba siya sa Espiritu at Katotohanan,  ito ang marapat na paraan na pagsamba sa Diyos na dapat nating gawin dahil ito ang hinahanp ng Diyos na maging mananamba sa kaniya.

Paano ang pagsamba sa Ama sa espiritu?

Mateo 6:9  “Magsidalangin nga kayo ng ganito: Ama namin na nasa langit ka, Sambahin nawa ang pangalan mo.”

Ang pagsamba sa Ama sa Espiritu ay ang pagsamba sa kaniyang pangalan at hindi sa kaniyang larawan?  Maliwanag po iyan.  Paano ba ang pagsamba sa pangalan ng Diyos, isusulat ba natin ang kaniyang pangalan sa isang papel pagkatapos ay ididikit sa pader at ating luluhuran? Ganun po ba?  Hindi po ganun, narito po ang sagot:

Hebreo 13:15 Sa pamamagitan nga niya ay maghandog tayong palagi ng hain ng pagpupuri sa Dios, sa makatuwid baga, ay ng bunga ng mga labi na nagpapahayag ng kaniyang pangalan.”

Kapag ating pinupuri at binibigkas o sinasabi ang pangalang ipinantatawag natin sa kaniya, ito ang pagsamba sa kaniya sa espiritu.  Ano ang pangalang iyon?

Juan 20:17  “Sinabi sa kaniya ni Jesus, Huwag mo akong hipuin; sapagka't hindi pa ako nakakaakyat sa Ama, nguni't pumaroon ka sa aking mga kapatid, at sabihin mo sa kanila, Aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama, at aking Dios at inyong Dios.”

“Ama” ang ating dapat itawag sa nagiisa at tunay na Diyos, na Diyos din ng Panginoong Jesus.

Paano naman ang pagsamba sa Ama sa katotohanan?

Mateo 6:10  “Dumating nawa ang kaharian mo. Gawin nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayon din naman sa lupa.”

Ang pagsamba sa kaniya sa katotohanan ay ang pagsunod na dapat nating gawin sa kaniyang mga kalooban o mga kautusan, dahil ito ang buong katungkulan ng tao.

Ecclesiastes 12:13  “Ito ang wakas ng bagay; lahat ay narinig: ikaw ay matakot sa Dios, at sundin mo ang kaniyang mga utos; sapagka't ito ang buong katungkulan ng tao.”

Ito ang marapat na pagsamba sa Diyos na dapat nating isagawa, upang tayo ay maging kalugodlugod sa kaniyang paningin…

Paano Ba Makikilala ang Mga Tunay na Sugo ng Diyos


Sa panahon ba natin ngayon ay mayroong tunay na sugo ang Diyos?

Paano natin sila makikilala?

Tungkol sa pagkakaroon ng sugo may mga tao na nagsasabi ng ganito:

“Hindi na uso ang ‘sugo’ sa panahon ngayon, nung araw lang meron niyan, tsaka meron namang Biblia, basahin lang ng tao iyan mauunawaan na, kaya hindi na kailangan ang sugo.”

Inakala ng marami na ang mga salita ng Diyos o ang Biblia ay katulad lamang ng pangkaraniwang aklat na nabibili kahit saan, basahin mo lang ay mauunawaan mo na.  Ano ba ang katangian ng mga salita ng Diyos na nakasulat sa Biblia?

Roma 16:25 “At ngayon sa kaniya na makapangyarihan na sa inyo'y makapagpapatibay ayon sa aking evangelio at sa pangangaral ni Jesucristo, ayon sa pahayag ng hiwaga na natago sa katahimikan nang panahong walang hanggan.”

Ang evangelio o ang mga salita ng Diyos na ito nga ay ang Biblia, ito ay isang aklat na mahiwaga, ang sabi nga ito ay “pahayag ng hiwaga na natago sa katahimikan ng panahong walang hanggan” samakatuwid ang Biblia ay isang hindi pangkaraniwang aklat, kaya ito’y hindi madaling mauunawaan ng tao.

Eh paano kung tangkain ng tao na pag-aralan ito sa kaniyang sarili? Makakararating ba siya sa pagkaalam ng katotohanan?

2 Timoteo 3:7Na laging nagsisipagaral, at kailan pa man ay hindi nakararating sa pagkaalam ng katotohanan.”

Hindi matututunan o mauunawaan ng tao ang Biblia sa sarili niyang paraan, kahit na ito’y pag-ubusan niya ng mahabang panahon, pag-aralan man ng pag-aralan, hindi siya makakararating sa tunay na kahulugan ng mga salitang nakasulat doon.  Kaya nga sa katotohanan ay iisa lamang ang Biblia, ngunit kapansin-pansin na ang mga tao’y nagkaiba-iba ng paniniwala. 

Dahil sa hindi naunawa ng tao ang tunay na nilalaman ng Biblia ano ang kanilang ginawa?

Roma 10:2-3 “Sapagka't sila'y pinatotohanan ko na may mga pagmamalasakit sa Dios, datapuwa't hindi ayon sa pagkakilala. Sapagka't sa hindi nila pagkaalam ng katuwiran ng Dios, at sa pagsusumakit na maitayo ang sariling kanila, ay hindi sila napasakop sa katuwiran ng Dios.”

Dahil sa hindi nakaabot ang tao sa pagkaalam ng katotohanang nakasulat sa Biblia na ito ay ang katuwiran ng Diyos, nagtayo ang tao ng sariling kanila, na ang ibig sabihin ang mga tao’y lumikha ng sarili nilang mga aral na hindi na sakop ng katuwiran ng Diyos, sa madaling salita, wala na sa Biblia ang kanilang pinaniwalaan at itinuro sa mga tao.

Bakit ba dapat makilala natin ang mga tunay na sugo ng Diyos? Ano ba ang kahalagahan nito?  Maliwanag na sinasabi ng Biblia na ang may karapatan lamang na mangaral ng mga salita ng Diyos ay ang mga tunay na sugo ng Diyos:

Roma 10:15At paano silang magsisipangaral, kung hindi sila mga sinugo? gaya nga ng nasusulat, Anong pagkaganda ng mga paa niyaong mga nagdadala ng masasayang balita ng mga bagay na mabuti!”

Kaya nga hindi komo’t may dalang Biblia ang isang nangangaral, kung hindi naman siya tunay na sugo ng Diyos, ay wala siyang karapatang mangaral, ang mga tunay na sugo lamang ang binigyan ng Diyos ng karapatang ito. Bakit? Dahil sa kanila lamang ipinagkaloob ang makaalam ng hiwaga ng mga salita ng Diyos na nasa Biblia:

Lucas 8:10 “At sinabi niya, Sa inyo'y ipinagkaloob ang mangakaalam ng mga hiwaga ng kaharian ng Dios: datapuwa't sa mga iba'y sa mga talinghaga; upang kung magsitingin ay huwag silang mangakakita, at mangakarinig ay huwag silang mangakaunawa.”

Sa mga tunay na sugo ibinigay ng Diyos ang pagkaalam ng hiwaga, sila lamang ang may karapatang magpaliwanag at tanging nakakaalam ng tunay na kahulugan ng mga salita ng Diyos na nasa Biblia.  At dahil dito ay marapat na sa kanila lumapit ang tao at hanapin ang kaniyang mga salita sapagkat sila ang tagapag-ingat ng kaalamang mula sa Diyos:

Malakias 2:7 “Sapagka't ang mga labi ng saserdote ay dapat mangagingat ng kaalaman, at kanilang marapat hanapin ang kautusan sa kaniyang bibig; sapagka't siya ang sugo ng Panginoon ng mga hukbo.”

At sa ganitong kadahilanan kaya ipinagutos ng Panginoong Jesus na dapat nating sampalatayanan o paniwalaan ang mga sugo ng Diyos:

Juan 6:29 “Sumagot si Jesus at sa kanila'y sinabi, Ito ang gawa ng Dios, na inyong sampalatayanan yaong kaniyang sinugo.”

Ngunit sa mundo ngayon ay napakaraming mangangaral, at ibinabala ng mga apostol na maraming nagpapangap na sugo ng Diyos, sapagkat maraming darating na mga bulaang propeta at mga bulaang guro:

2 Pedro 2:1-2 “Nguni't may nagsilitaw din naman sa bayan na mga bulaang propeta, na gaya naman sa inyo'y magkakaroon ng mga bulaang guro, na mangagpapasok sa lihim ng mga makakapahamak na mga hiduwang pananampalataya, na itatatuwa pati ang Panginoon na bumili sa kanila, na mangagtataglay sa kanilang sarili ng madaling pagkapahamak. At maraming magsisisunod sa kanilang mga gawang mahahalay; na dahil sa kanila ay pagsasalitaanng masama ang daan ng katotohanan.” 

Kaya napakahalaga na ating makilala ang mga tunay na sugo ng Diyos, upang tayo ay huwag madaya ng mga bulaang mangangaral, at matiyak natin na tunay na aral ng Diyos ang ating matatanggap at sasampalatayanan. Paano nga ba natin makikilala ang mga tunay na sugo Diyos? Nagbigay ba ang Diyos ng mga palatandaan o ng pagkakakilanlan sa isang tunay na sugo na ating mapagbabatayan maging sa panahon natin ngayon? Ating tunghayan ang sagot sa pagpapatuloy ng ating pagtalakay…


Paano nga ba makikilala ang mga tunay na sugo ng Diyos?

Ibinigay ng Diyos ang pagkakakilanlan sa kanila sa aklat ni propeta Isaias, ganito ang ating mababasa:

Isaias 8:20 “Sa KAUTUSAN at sa PATOTOO! kung hindi sila magsalita ng ayon sa salitang ito, tunay na walang umaga sa kanila”.

Dalawa ang katangiang kailangan nilang taglayin ayon sa Diyos: sila’y nagsasalita ayon sa (1) KAUTUSAN   at  (2) PATOTOO. Ang sabi nga kung hindi sila magsalita ng ayon sa salitang ito tunay na walang umaga sa kanila.  Ang umaga ay kasingkahulugan ng liwanag:

 Isaias 58:8 “Kung magkagayo'y sisikat ang iyong liwanag na parang umaga, at ang iyong kagalingan ay biglang lilitaw; at ang iyong katuwiran ay mangunguna sa iyo; ang kaluwalhatian ng Panginoon ay magiging iyong bantay likod.”

Ibig sabihin kung hindi taglay ng isang mangangaral ang dalawang katangiang binanggit ng Diyos, ang nasa kanila ay hindi liwanag kundi kadiliman – ang mga mangangaral na ito ay hindi mga tunay na sugo ng Diyos kundi mga bulaang propeta o mga bulaang guro.


Ang Kautusan

Ano ang kahulugan ng kautusan ayon sa Biblia?

Kawikaan 6:23 “Sapagka't ang utos ay tanglaw; at ang kautusan ay liwanag; at ang mga saway na turo ay daan ng buhay:”

Ayon sa Biblia ang kautusan ay turoo aral na ito’y daan ng buhay. At dapat taglayin ng isang sugo ang turo ng nagsugo sa kaniya:

Juan 7:16-18 “Sinagot nga sila ni Jesus, at sinabi, Ang turo ko ay hindi akin, kundi doon sa nagsugo sa akin. Kung ang sinomang tao ay nagiibig gumawa ng kaniyang kalooban, ay MAKIKILALA NIYA ANG TURO, KUNG ITO'Y SA DIOS, O KUNG AKO'Y NAGSASALITA NA MULA SA AKING SARILI. Ang nagsasalita ng sa ganang kaniyang sarili'y humahanap ng kaniyang sariling kaluwalhatian: datapuwa't ANG HUMAHANAP NG KALUWALHATIAN NIYAONG SA KANIYA'Y NAGSUGO, ANG GAYON AY TOTOO, AT SA KANIYA'Y WALANG KALIKUAN

Ayon sa Panginoong Jesu Cristo, makikilala ang tunay na sugo kung ang itinuturo niya ay galing sa nagsugo sa kaniya lamang [Ang Panginoong Dios] at hindi siya nagsasalita na mula sa kaniyang sarili lamang. Samakatuwid ang tunay na sugo ay nagsasalita at nagtuturo ng tunay na mga aral na pawang nakasulat sa mga Banal na kasulatan o ng Biblia, hindi siya nagtuturo ng aral na hindi mababasa sa mga Banal na Kasulatan o mga aral na inimbento o kinatha lamang. Ang kaniyang itinuturo ay dalisay o purong mga salita ng Diyos na nasa Biblia:

Juan 3:34  “Sapagka't ang sinugo ng Dios ay nagsasalita ng mga salita ng Dios: sapagka't hindi niya ibinibigay ang Espiritu sa pamamagitan ng sukat.”

Hindi dinaragdagan o binabawasan ng tunay na sugo ng Diyos ang mga salita ng Diyos na nasa Biblia, ang itinuturo niya’y kung ano lamang ang mababasa at nasusulat sa banal na aklat, ang kaniyang aral ay walang kalikuan o kamalian:

1 Tessalonica 2:3  “Sapagka't ang aming iniaaral ay hindi sa kamalian, ni sa karumihan, ni sa pagdaraya.”

At kailan man ay hindi mo siya makikitaan ng kahit isang aral na wala sa Biblia.

Ang Patotoo

Hindi lamang ang kautusan ang sapat na batayan upang kilalanin silang tunay, dapat taglay din nila ang patotoo, na ito naman ang kahulugan ayon sa Biblia.

Apocalypsis 19:10 “At ako'y nagpatirapa sa kaniyang paanan upang siya'y aking sambahin. At sinasabi niya sa akin, “Ingatan mong huwag gawin iyan: ako'y kapuwa mo alipin at ng iyong mga kapatid na mayroong patotoo ni Jesus: sumamba ka sa Dios: sapagka't ang patotoo ni Jesus ay siyang espiritu ng hula.”


Ang ibig sabihin ng patotoo sa Biblia ay hula o sa wikang ingles ay prophecy (basahin sa King James Version ang nakalagay ay … “spirit of prophecy” ) at hindi guesing. Samakatuwid ang tunay na sugo ay dapat taglay ang dalawang katangiang ito:

1.  KAUTUSAN - Ang itinuturo niya ay hango sa mga salita ng Diyos na nakasulat sa Biblia, at hindi galing sa kaniyang sarili lamang, at hindi niya ginagamitan ng pansariling pagpapaliwanag, at ng kaniyang sariling karunungan. Hindi siya nag-iimbento ng aral dahil lahat ng kaniyang itinuturo ay mababasa sa Biblia.

2.  PATOTOO - Dapat may hula o propesiya na tumutukoy sa kaniyang kahalalan o “authority” ng kaniyang pagkasugo sapagkat siyang nagpapatunay ng kaniyang karapatan sa pangangaral-sa madaling salita, kinakailangang ang isang nagpapakilalang sugo ay hinuhulaan o may hula sa Biblia ng kaniyang pagiging sugo.

Kung ang mga katangiang nabanggit ay hindi taglay ng isang nagpapakilalang mangangaral, siya’y hindi tunay na Sugo ng Diyos. At ang kaniyang turo ay turo lamang ng tao.  At kapag turo lamang ng tao ang ating nasunod, mawawalan ng kabuluhan ang ating ginagawang paglilingkod at pagsamba sa Diyos:

Mateo 15:9Datapuwa't walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin, Na nagtuturo ng kanilang pinakaaral ang mga utos ng mga tao.”

Kumuha tayo ng mga halimbawa sa Biblia, na hinulaan ang kanilang kahalalan o karapatan bilang mga sugo ng Diyos.


Halimbawa ng mga Sugo ng Diyos na may Hula o Propesiya sa Biblia

1.      Si Juan Bautista:

Maraming taon pa bago ang pagkapanganak kay Juan Bautista ay hinulaan na ang kaniyang pagdating at ang tungkulin na kaniyang gagampanan. Gaya ng mababasa sa aklat ni propeta Isaias:

Isaias 40 :3Ang tinig ng isang sumisigaw, Ihanda ninyo sa ilang ang daan ng Panginoon pantayin ninyo sa ilang ang lansangan para sa ating Dios.”

At makalipas ang ilang daang taon nangaral si Juan Bautista na siyang katuparan ng
hulang ito.

Juan 1:19-23 “At ito ang patotoo ni Juan, nang suguin sa kaniya ng mga Judio mula sa Jerusalem ang mga saserdote at mga Levita upang sa kaniya'y itanong, Sino ka baga? At kaniyang ipinahayag, at hindi ikinaila; at kaniyang ipinahayag, Hindi ako ang Cristo. At sa kaniya'y kanilang itinanong, Kung gayo'y ano nga? Ikaw baga'y si Elias? At sinabi niya, Hindi ako. Ikaw baga ang propeta? At siya'y sumagot, Hindi. Sinabi nga nila sa kaniya, Sino ka baga? Upang ibigay namin ang kasagutan sa nangagsugo sa amin. Ano ang sinasabi mo tungkol sa iyong sarili? Sinabi niya, Ako ang tinig ng isang humihiyaw sa ilang, Tuwirin ninyo ang daan ng Panginoon, gaya ng sinabi ng propeta Isaias.”

Kapansin-pansin na kung kangino lamang natupad ang hula ay siya mismo ang nagpapaliwanag nito. Mapapansin din na sa hula, hindi binabanggit ng Diyos ang pangalan ng hinuhulaan kundi ang kaniyang tungkulin na gagampanan, at saan siya magmumula, bilang katunayan ng kaniyang kahalalan at karapatan sa pangangaral.


2.      Si Apostol Pablo:

Si Apostol Pablo na isa ring sugo ng Diyos ay may hula din na tumutukoy sa kaniya maraming taon bago pa ang kaniyang pagsilang sa mundo:

Isaias 49:6 “Oo, kaniyang sinasabi, Totoong magaan ang bagay na ikaw ay naging aking lingkod upang ibangon ang mga lipi ng Jacob, at isauli ang iningatan ng Israel, ikaw ay aking ibibigay na pinakailaw sa mga Gentil upang ikaw ay maging aking kaligtasan hanggang sa wakas ng lupa.”

Na nang magkaroon ng katuparan ay ipinaliwanag din ni apostol Pablo ang kahulugan nito:

Gawa 13:46-47 “At nagsipagsalita ng buong katapangan si Pablo at si Bernabe, at nagsipagsabi, Kinakailangang salitain muna ang salita ng Dios sa inyo. Yamang inyong itinatakuwil, at hinahatulan ninyong hindi kayo karapatdapat sa walang hanggang buhay, narito, kami ay pasasa mga Gentil.  Sapagka't ganito ang ipinagutos sa amin ng Panginoon, na sinasabi, Inilagay kitang isang ilaw ng mga Gentil, Upang ikaw ay maging sa ikaliligtas hanggang sa kahulihulihang hangganan ng lupa.”  


3.      At ang ating Panginoong Jesu-Cristo:

Katulad din ng ibang mga sugo ng Diyos, ang ating Panginoong Jesu-Cristo na siyang pinakadakilang sugo (Filipos 2:9) ay may hula rin na tumutukoy sa kaniya na nagpapatunay at kahayagan ng kaniyang karapatan bilang tunay na sugo, bago ang kaniyang paglitaw o ang kaniyang pagsilang sa sanglibutan.  Narito ang hula na tumutukoy sa kaniya:

Isaias 61:1-2Ang Espiritu ng Panginoong Dios ay sumasa akin; sapagka't pinahiran ako ng Panginoon upang ipangaral ang mabubuting balita sa mga maamo; kaniyang sinugo ako upang magpagaling ng mga bagbag na puso, upang magtanyag ng kalayaan sa mga bihag, at magbukas ng bilangguan sa nangabibilanggo; Upang magtanyag ng kalugodlugod na taon ng Panginoon, at ng kaarawan ng panghihiganti ng ating Dios; upang aliwin yaong lahat na nagsisitangis;”

Na katulad din ng mga una nating halimbawa, dumating ang panahon na ipinaliwanag din ni Jesus na siya ang kinatuparan ng hulang ito:




Lucas 4:16-21
“At siya'y napasa Nazaret na kaniyang nilakhan: at ayon sa kaniyang kaugalian, siya'y pumasok sa sinagoga nang araw ng sabbath, at nagtindig upang bumasa. At ibinigay sa kaniya ang aklat ng propeta Isaias. At binuklat niya ang aklat, na nasumpungan niya ang dakong kinasusulatan, Sumasa akin ang Espiritu ng Panginoon, Sapagka't ako'y pinahiran niya upang ipangaral ang mabubuting balita sa mga dukha: Ako'y sinugo niya upang itanyag sa mga bihag ang pagkaligtas, At sa mga bulag ang pagkakita, Upang bigyan ng kalayaan ang nangaaapi, Upang itanyag ang kaayaayang taon ng Panginoon. At binalumbon niya ang aklat, at isinauli sa naglilingkod, at naupo: at ang mga mata ng lahat ng nangasa sinagoga ay nangakatitig sa kaniya. At siya'y nagpasimulang magsabi sa kanila, Ngayo'y naganap ang kasulatang ito sa inyong mga pakinig.”

Kapansin-pansin na binasa muna ni Jesus ang dakong kinasusulatan ng hulang tumutukoy sa kaniya at saka niya ito ipinaliwanag. Makikilala ang mga tunay na sugo kung sila’y hinuhulaan sa Biblia, bago pa sila isinilang, hindi sinasabi ang pangalan ng hinuhulaan kundi ang huhulaan ay ang kanilang paglitaw, ang kanilang tungkuling gagampanan na siyang katibayan ng kanilang karapatan sa pangangaral.


May Sugo ba sa panahon natin ngayon?

Ang Iglesia Ni Cristo  na lumitaw sa Pilipinas noong 1914, ay may kinikilalang sugo ng Diyos, ang aming Kapatid na si Felix Y. Manalo – siya ang kinikilala naming Sugo ng Diyos sa mga Huling Araw.  Bakit?  Taglay ba niya ang dalawang katangiang ating tinalakay?  Nasa kaniya ba ang kautusan at patotoo na sinabi ng Diyos na dapat na taglay ng mga tunay na sugo ng Diyos? Ang itinuturo ba niya’y dalisay na mga aral mula sa Biblia?  At siya ba’y hinuhulaan o may hula ba sa Biblia tungkol sa kaniyang paglitaw at ng kaniyang karapatan bilang sugo ng Diyos?

Amin pong ipaglilingkod iyan sa inyo sa susunod…

Kung Bakit Dapat Paniwalaan at Sundin ang Biblia


Di na rin mabilang ang mga aklat na naisulat na pang-relihiyon na pinaniniwalaang naglalaman ng mga salita ng Diyos gaya ng mga sumusunod:

1.      Theravada at Mahayana ng relihiyong Budismo

2.      Qur’an ng Relihiyong Islam

3.      Book of Mormon ng mga Mormons o yung mga kaanib ng Church of Jesus Christ of the Latter Day Saints mula sa America

4.      Vedas ng Hinduismo

Ilan lamang ang mga aklat na ito na sinasabing naglalaman din ng mga salita ng Diyos na pinaniniwalaan at sinusunod ng mga kaanib ng mga nasabing relihiyon. 

Ang pinaka-kontrobersiyal at ang pinakauna o pinakamatanda sa kanilang lahat ay ang Biblia na pinatutunayan kahit ng mga manunulat ng kasaysayan na bukod tanging aklat na kung saan mababasa ang simula ng paglalang ng ating daigdig.  Tanging sa Biblia mo lamang mababasa kung saan nagmula ang lahat ng bagay na siyang tanging record ng sangkatauhan mula pa nang una.

Dahil nga sa ito ay isa sa mga aklat na naisulat  din ng tao, inakala ng ilan na ang Biblia ay isang pangkaraniwang aklat lamang, kaya hindi kataka-taka na may mga tao na hindi naniniwala dito (kahit na sila ay nagpapakilala ring mga Cristiano), kaya naman marami ang mga tao na hindi sinusunod ng tuwiran kung ano ang nakalagay sa Biblia sa pag-aakalang ito ay pangkaraniwang aklat lamang at dahil sa tao ang sumulat ay maaari itong magkamali katulad ng ibang mga aklat.

Kaya’t ating pag-aralan kung ano nga ba ang kaibahan ng Biblia sa ibang mga aklat na naisulat sa daigdig. Tunay nga kayang mga salita ng Diyos ang nakasulat sa mga pahina ng Biblia?  Dapat nga ba itong paniwalaan, sampalatayanan at sundin? Atin pong sasagutin iyan sa pamamagitan ng isang pag-aaral.


1.        Paano ba at kailan nagkaroon ng salita ng Diyos?

Nagkaroon ng salita ng Diyos sa daigdig nang ang Dios ay magsalita sa tao sa iba’t-ibang paraan at iba’t-ibang panahon:

Hebreo 1:1-2  “Ang Dios, na nagsalita nang unang panahon sa ating mga magulang sa iba't ibang panahon at sa iba't ibang paraan sa pamamagitan ng mga propeta, ay nagsalita sa atin sa mga huling araw na ito sa pamamagitan, ng kaniyang Anak, na siyang itinalaga na tagapagmana ng lahat ng mga bagay, na sa pamamagitan naman niya'y ginawa ang sanglibutan;

Sa tatlong dakilang hati ng mga panahon ay nagsalita ang Diyos sa tao, narito ang mga panahong iyon:

a.       Panahon ng mga Magulang o Patriarka – Mula sa pasimula ng paglalang kay Eva at Adan hanggang sa panahon ni Moises.

b.       Panahon ng mga Propeta at ng bayang Israel – mula sa panahon ni Moises hanggang kay Juan Bautista (Lucas 16:16).

c.       Panahong Cristiano – mula sa panahon ni Juan Bautista hanggang sa panahon natin ngayon.

Bukod sa pakikipagusap ng Diyos ng tuwiran sa tao ay gumamit din siya ng mga sugo o mga patriarka, at mga propeta upang maipaabot sa tao ang kaniyang mga salita o kautusan, at sa panahon nga natin ang kaniyang ginamit na kasangkapan ay ang Panginoong Jesucristo na kaniyang Anak.


2.         Ano ang ipinag-utos niyang gawin sa kaniyang salita?

Hindi pumayag ang Diyos na ang kaniyang salita ay manatili na mga salitang sinabi lamang, kundi kaniya itong ipinasulat sa isang aklat:

Jeremias 30:2  “Ganito ang sinasalita ng Panginoon, ng Dios ng Israel, na nagsasabi, Iyong isulat sa isang aklat ang lahat ng mga salita na aking sinalita sa iyo.”

Ipinag-utos ng Panginoong Diyos na ang kaniyang mga banal na salita ay maisulat sa isang aklat, kaya nga sa bawat panahon ay naisulat ang kaniyang mga salita sa mga aklat sa pamamagitan ng mga patriarka, mga propeta, at ng mga apostol, mahigit sa 50 tao ang mga inatasan ng Diyos na magsulat o magtala ng kaniyang mga salita upang ito ay maingatan at upang manatili ito hanggang sa panahong darating na walang hanggan:

Isaias 30:8  “Ngayo'y yumaon ka, isulat mo sa harap nila sa isang tapyas na bato, at ititik mo sa isang aklat upang manatili sa panahong darating na walang hanggan.”

At ang mga aklat na naisulat ay tinawag na mga Banal na Kasulatan [Holy Scriptures]:

2 Timoteo 3:15-17  “Mula pa sa pagkabata ay alam mong ang Banal na Kasulatan ay nagtuturo ng daan ng kaligtasan sa pamamagitan ng pana-nampalataya kay Cristo Jesus.  Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos, at nagagamit sa pagtuturo ng katotohanan, sa pagtatama sa maling katuruan, sa pag-tutuwid sa likong gawain at sa pagsasanay para sa matuwid na pamumuhay,  upang ang lingkod ng Diyos ay magiging karapat-dapat at handa sa lahat ng mabubuting gawain.”  [Ang Bagong Magandang Balita, Biblia]

Nagsimulang isulat ni Moises ang aklat ng Genesis [ang unang Aklat ng Biblia] noong 1400 B.C. at natapos naman ni Apostol Juan ang aklat ng  Apocalypsis [Ang huling aklat] noong 96 A.D.  Kaya’t tumagal ang pagsusulat nito ng 1,496 years.

Ang lahat ng mga kasulatan ay kinasihan ng Diyos, at magagamit sa:

a.       Pagtuturo ng Katotohanan – magagamit sa pangangaral.

b.       Pagtatama sa maling katuruan – mailalayo tayo nito sa mga maling aral at sa mga maling paniniwala at mga maling relihiyon.

c.       Pagtutuwid sa likong gawain – sasawayin tayo kung tayo ay may ginagawang mali na labag sa moralidad at pamumuhay espiritual.

d.       Pagsasanay para sa matuwid na pamu-muhay –  tayo ay sasanayin upang maging mabubuting mga Cristiano.

Sapat ang Biblia upang tayo ay maturuan ng lahat ng mabubuting bagay lalo na sa daan ng kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya na may kalakip na pagsunod.  Kaya kung may magsasabi na bukod sa Biblia ay mayroon pa tayong iba pang mga aklat na pupuwedeng pagbatayan o pagsaligan, ito po ay maliwanag na kasinungalingan dahil sinabi rin na:

2 Timoteo 3:17  “Upang ang tao ng Dios ay maging sakdal, tinuruang lubos sa lahat ng mga gawang mabuti.”

Kaya tayong turuang lubos ng Biblia, at kapag sinabing “lubos” ibig sabihin kumpleto [100%] ika nga, kaya kapag pananampalataya at pagrerelihiyon ang pag-uusapan ay sapat na sapat at tanging ang Biblia lamang ang ating dapat na pagbatayan at wala nang iba pa.


3.        Bakit tinawag na Biblia ang ‘Mga Banal na Kasulatan’?

Ito ay hinango sa salitang Griego na “βιβλια” [Biblia], na ang ibig sabihin ay “Books” o “Mga Aklat”:

“The Bible (sometimes The Book, Good Book, Word of God, The Word, or Scripture), from Greek (τα) βιβλια, (ta) biblia, "(the) books"

Sa Filipino:

“Ang Biblia (kung minsan Ang Aklat, Mabuting Aklat,  Salita ng Diyos, Ang Salita, o Kasulatan), mula sa Griego (τα) βιβλια, (ta) biblia, “(ang) mga aklat”  [Wikipedia Encyclopedia]



4.        Tama ba na tawagin itong Biblia?

Oo, dahil ang Mga Banal na Kasulatan ay binubuo ng maraming aklat.  Nahahati ang Biblia sa dalawang bahagi, Old Testament [Lumang Tipan] at New Testament [Bagong Tipan]:  

39 na aklat sa Lumang Tipan
27 na aklat sa Bagong Tipan
________________________________
66 na aklat sa Kabuoan

Kaya marapat lamang na tawagin itong Biblia, dahil tunay na binubuo ito ng 66 na aklat na ito’y ang “Mga Banal na Kasulatan”


5.        Anu-ano ang mga orihinal na wika na ginamit sa pagsusulat ng Biblia?

Ang mga Biblia na ating nababasa sa kasalukuyan ay hindi ang orihinal na wika ng Biblia.  Ang English o Tagalog, halimbawa, ay mga Translations o salin lamang ng mga orihinal na wikang ginamit sa orihinal na mga manuscript [manuskrito] ng Biblia, gaya ng ating nakikita sa ibaba:


Bahagi ng "Dead Sea Scrolls" kung saan hinango ang ating Biblia
Isang inimprentang Bibliang Hebrew


Ang Genesis 9:2 sa original na wikang Hebreo
Bahagi ng isang "Greek Manuscript"


Juan 8:40
  “νυν δε ζητειτε με αποκτειναι ανθρωπον ‘ος την αληθειαν ‘υμιν λελαληκα ‘ην ηκουσα παρα του θεου τουτο αβρααμ ουκ εποιησεν”

May mga manuskrito ding natagpuan na ang Luma at Bagong Tipan ay isinulat sa wikang Syriac-Peshitta Aramaic [Aramaiko] na siyang katutubong wika [native language] ng Panginoong Jesus:




Ang mga dalubhasa sa wikang Hebreo, Griego, at Aramaiko na tinatawag na mga Bible Scholars ang siyang nagsasalin ng mga Biblia mula sa orihinal na wika sa wikang nauunawaan ng mga tao sa kasalukuyang panahon.


6.        Paano naiwasan ang pagkakamali sa pagsulat ng Biblia sa kabila ng mga tao lamang ang sumulat nito?

Bagama’t totoo na mga tao lamang ang nagsulat ng Biblia ay hindi naman sa tao nanggaling ang mga nilalaman nito.  Sapagkat ang Diyos ay tuwirang nagbantay sa mga manunulat kaya naiwasan na ito ay magkamali.

Ang Diyos ang nagsasabi kung kailan dapat umpisahan ang pagsusulat:

Jeremias 30:2  “Ganito ang sinasalita ng Panginoon, ng Dios ng Israel, na nagsasabi, Iyong isulat sa isang aklat ang lahat ng mga salita na aking sinalita sa iyo.”

Ang Diyos din ang nagsasabi kung kailan ito dapat tapusin:

Daniel 12:4 “Nguni't ikaw, Oh Daniel, isara mo ang mga salita, at tatakan mo ang aklat, hanggang sa panahon ng kawakasan: marami ang tatakbo ng paroo't parito, at ang kaalaman ay lalago.”

Ang Diyos din ang nagsasabi kung ano ang mga bagay na dapat isulat:

Apocalypsis 1:19  “Isulat mo nga ang mga bagay na nakita mo, at ang mga bagay ngayon, at ang mga bagay na mangyayari sa darating;”

At ang mga bagay na hindi dapat isulat:

Apocalypsis 10:4  “At pagkaugong ng pitong kulog, ay isusulat ko sana: at narinig ko ang isang tinig na mula sa langit, na nagsasabi, Tatakan mo ang mga bagay na sinalita ng pitong kulog, at huwag mong isulat.”

Kaya napakalinaw na binabantayan ng Diyos ang mga nagsipagsulat ng Biblia, hindi mangyayari na mailagay ng mga sumulat nito ang sarili nilang karunungan o ideya, sapagkat direktang idinidikta ng Diyos sa kanila ang mga bagay na dapat nilang ilagay, at sinasaway kung magtatangka silang maglagay ng hindi Niya nais.  Kaya nga sa kabila ng ang mga sumulat ng Biblia ay hindi personal na magkakakilala [maliban sa mga apostol] hindi magkaka-dako at hindi magkaka-panahon ay naiwasan ng mga manunulat nito ang pagkakamali, perpekto po ang Biblia sa kaniyang orihinal na anyo…wala itong kontradiksiyon o salungatan.

Mas madali nating maiintindihan ito sa isang halimbawa: Tumawag tayo ng sampung tao na magkakakilala, magkakaibigan, at magkakasama. Atin silang utusan na magsulat ng recipe ng Menudo. Sa palagay ninyo magkakapare-pareho ba ang kanilang isusulat?  Tiyak ang inyong isasagot ay hindi.  Natural na magkakaiba-iba sila dahil sa pagluluto ng menudo ay may kaniya-kaniyang pamamaraan na alam ang tao, at natural kung ang kaniyang kaisipan ang pagbabasehan, ang kaniyang nais siyempre ang kaniyang gusto ang masusunod, kaya sa simpleng bagay pa lamang na ito ay makakakita tayo ng salungatan at kontradiksiyon  dahil sa pagkakaiba-iba, kasi nga galing lang sa kaisipan ng tao.

Subalit kung tatawag tayo ng sampung tao na hindi magkakakilala, at hindi magkakalugar, at isa-isa nating ididikta sa kanila ang recipe ng Menudo at wala silang gagawin kundi isulat lamang ang ating sasabihin; magkakaiba-iba ba sila? Natural hindi, iisa lang ang kanilang maisusulat dahil sa iisa lang nanggaling ang kanilang isinulat.

Ganiyan po ang Biblia, sa iisang Diyos lamang nanggaling ang lahat ng nilalaman niyan, at ang lahat ng nasulat diyan ay mayroong pagkasi o pagpa-pahintulot ng Diyos. Kaya hindi kailan man tayo makakakita ng kontrahan o salungatan sa Biblia.  Kaya ating natitiyak na kung ang Biblia ang tanging pagbabasehan ng tao ng kaniyang paniniwala ay hindi siya magkakamali dahil sa ito ay perpekto at wala itong kamalian:

Psalms 19:7  “The law of the LORD is perfect; it gives new strength. The commands of the LORD are trustworthy, giving wisdom to those who lack it.”  [Good News Bible]

Sa Filipino:

Awit 19:7  “Ang kautusan ng Panginoon ay perpekto; nagbibigay ito ng bagong lakas.  Ang mga utos ng Panginoon ay mapang-hahawakan, nagbibigay ng karunungan sa nagkukulang nito.”

Kaya kung sa Biblia na perpekto batay ang lahat ng aral na ituturo at hindi ito inimbento at hango lamang sa sariling isipan, ay perpekto o walang kamalian rin ang aral na ating matatanggap mula sa mga mangangaral nito:

1 Tessalonica 2:3  “Sapagka't ang aming iniaaral ay hindi sa kamalian, ni sa karu-mihan, ni sa pagdaraya.”


7.        Mababasa ba sa Biblia ang salitang “Biblia”?

Sinasabi ng iba na hindi na raw kailangan pa na sa Biblia ibatay ng tao ang lahat nitong paniniwala dahil hindi naman daw lahat ay matatagpuan sa Biblia, iyon nga raw salitang “Biblia” ay wala naman at hindi mababasa sa mismong Biblia.

Hindi mababasa sa Bibliang Tagalog at English ang salitang Biblia dahil gaya nga ng ating nasabi na sa unahan ng ating pagtalakay, ito ay hango sa wikang Griego na “βιβλια” [Biblia].  Natural sa Bibliang Greek natin ito mababasa, gaya ng mga talata na makikita sa ibaba:

Juan 21:25  “εστιν δε και αλλα πολλα ‘οσα εποιησεν ‘ο ιησους ‘ατινα εαν γραφηται καθ ‘εν ουδε αυτον οιμαι τον κοσμον χωρησαι τα γραφομενα βιβλια αμην”

Apocalypsis 20:12  “και ειδον τους νεκρους μικρους και μεγαλους ‘εστωτας ενωπιον του θεου και βιβλια ηνεωχθησαν και βιβλιον αλλο ηνεωχθη ‘ο εστιν της ζωης και εκριθησαν ‘οι νεκροι εκ των γεγραμμενων εν τοις βιβλιοις κατα τα εργα αυτων”

Oh hindi ba malinaw na mababasa sa Bibliang Griego ang salitang “βιβλια” [Biblia].  Kaya nagkakamali ang nagsasabi na ang salitang Biblia ay wala sa Biblia.


8.        Ano ba ang katangian ng mga salita ng Diyos na nakasulat sa Biblia?

Ang salita ng Diyos ay makapangyarihan:

Lucas 1:37  “Sapagka't walang salitang mula sa Dios na di may kapangyarihan.”

Ang ibig sabihin ang salita ng Diyos ay nakapangyayari o natutupad, dahil tinutupad ng Diyos ang kaniyang sinasabi:

Isaias 46:11 “…oo, aking sinalita, akin namang papangyayarihin; aking, pinanu-kala, akin namang gagawin.

Kung ating mapapatunayan na natutupad ang mga salita na nakasulat sa Biblia, ay ating matitiyak na tunay ngang mga salita ng Diyos ang nakasulat doon.


9.        Ano ang mga katibayan na natutupad nga ang mga sinalita ng Diyos  sa Biblia?

Kumuha tayo ng mga halimbawa ng mga nakasulat sa Biblia na natupad bilang katibayan na ito nga ay tunay na mga salita ng Diyos:

a.       Ang pag-unlad ng kaalaman ng tao

Daan-daang taon pa bago ipanganak ang Panginoong Jesucristo ay sinabi na ng Diyos na uunlad ang kaalaman ng tao:

Daniel 12:4 “Nguni't ikaw, Oh Daniel, isara mo ang mga salita, at tatakan mo ang aklat, hanggang sa panahon ng kawa-kasan: marami ang tatakbo ng paroo't parito, at ang kaalaman ay lalago.”

Sinalita ng Diyos at ipinasulat kay Propeta Daniel na:  sa panahon ng kawakasan: marami ang tatakbo ng paroo't parito, at ang kaalaman ay lalago”.  Hindi nga ba’t sa panahon natin ngayon ay kitang-kita natin ang katuparan nito – ang mabilis na pag-unlad ng teknolohiya, komunikasyon, siyensiya, medisina, at iba pa.

Noong unang panahon ang mga tao ay naghihintay lamang ng sulat na dinadala ng mensahero na karaniwan ay tumatagal ng buwan bago matanggap.  Samantalang ngayon sa pamamagitan ng cellphone ay maaaring magsend ng text message,  na segundo lang ang hihintayin mo ay matatanggap mo na kaagad, at ngayon nga ay maaari mo nang makausap at makita ang iyong mga mahal sa buhay sa pamamagitan ng internet, mga bagay na imposible noon, ngunit totoo na ngayon.  Nakarating ang tao sa buwan.  Nagagawa na nang taong magamot ang noo’y mga malulubhang karamdaman na, tubercolosis at typhoid fever, na noon ay itinuturing na napaka-mapanganib na karamdaman.

Binanggit din ng Diyos ang pag-unlad sa larangan ng transportasyon sa pagsasabing:  “marami ang tatakbo ng paroo't parito,” pansinin ninyo ang sabi ng Diyos: “tatakbo” hindi niya sinabing “maglalakad”, hindi ba malinaw na ang tinutukoy ay ang mga sasakyan sa panahon natin?  Dahil hindi naman “pinalalakad” ang mga sasakyan kundi “pinatatakbo”, hindi po ba?  Atsaka hindi nga ba’t ang mga sasakyan ay patuloy sa pagtakbo ng paroo’t-parito,  sa mga lansangan, mapapansin na ang mga sasakyan ay walang tigil sa pagsa-salubungan, mayroong papunta doon, at mayroong papunta dito.  Sa karagatan ay ganun din ang pagsasalubungan ng mga barko, at maging sa himpapawid ay ganun din mga eroplano – may dumarating at may umaalis.
Natupad ang mga sinabi ng Diyos na pag-unlad ng kaalaman at pagpaparoot-parito ng tao sa panahon ng kawakasan na siyang panahon natin ngayon, at ito’y hindi nagkataon lamang, kundi katuparan ng paunang pahayag o hula ng Panginoong Diyos  na nakasulat sa Biblia.





b.       Ang magiging ugali ng tao sa mga huling araw

Sinabi ng Biblia na ang mga huling araw na siyang panahon natin ngayon ay panahong mapanganib:

2 Timoteo 3:1-5  “Datapuwa't alamin mo ito, na sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib.  Sapag-ka't ang mga tao'y magiging maibigin sa kanilang sarili, maibigin sa salapi, mayayabang, mga mapagmalaki, mapag-tungayaw, masuwayin sa mga magulang, mga walang turing, mga walang kabanalan, Walang katutubong pagibig, mga walang paglulubag, mga palabintangin, mga walang pagpipigil sa sarili, mga mabangis, hindi mga maibigin sa mabuti,   Mga lilo, mga matitigas ang ulo, mga palalo, mga maibigin sa kalayawan kay sa mga maibigin sa Dios; Na may anyo ng kabanalan, datapuwa't tinanggihan ang kapangyarihan nito: lumayo ka rin naman sa mga ito.”

Hindi nga ba’t mas mapanganib ang panahon natin ngayon? higit na mas malala ang krimen, mas malupit ang mga tao, hindi kagaya nung araw?  Nung araw kapag may napatay na 2 tao, halos nagugulantang ang marami ‘pag kanilang nabalitaan, ngunit ngayon pangkaraniwan mo nang mabalitaan na may pinatay na isang pamilya, isang grupo ng mga tao. At ang tao sa panahon natin ngayon ay pumapatay ng kapuwa niya sa matuwa at sa magalit, kahit walang dahilan.




Ang sabi pa:
“mga maibigin sa kalayawan kay sa mga maibigin sa Dios”. Lulong ang tao sa panahon natin ngayon sa iba’t-ibang uri ng kalayawan, kaya nga may mga tao na kapag ating niyayaya na sumama sa pakikinig ng mga salita ng Diyos ay tumatanggi, ngunit kung ating yayayain sa pagsasaya at paglalasing, ay hindi tayo magda-dalawang salita.

Sinabi rin na ang tao ay magiging “mapagtungayaw” o palamura. Hindi ba pangkaraniwan na nating nakikita na may mga tao na nagmumura maya’t-maya, natutuwa man o nagagalit?  May mga maliliit na bata pa nga tayong nakikita na, ikinatutuwa pa ng kanilang mga magulang pag sila ay nagmumura, imbes na kanilang sawayin.


c.    Mga digmaan, lindol, kagutom at paglaganap ng kahirapan

Sinabi na rin sa Biblia libong taon na ang nakararaan ang iba’t-ibang kasakunaan, kapaha-makang naganap at patuloy na nagaganap sa ating paligid sa kasalukuyan:

Mateo 24:6-8  “At mangakakarinig kayo ng mga digmaan at mga alingaw-ngaw ng mga digmaan; ingatan ninyo na huwag kayong magulumihanan: sapagka't kinakailangang ito'y mangyari datapuwa't hindi pa ang wakas.  Sapagka't magsi-sitindig ang bansa laban sa bansa, at ang kaharian laban sa kaharian; at magka-kagutom at lilindol sa iba't ibang dako.  Datapuwa't ang lahat ng mga bagay na ito ay siyang pasimula ng kahirapan.”

“Mangakakarinig kayo ng mga digmaan at mga alingawngaw ng mga digmaan” - Natupad din ang hulang ito, dahil nung taong 1914, nagkaroon ng kauna-unahang digmaan na umalingawngaw o nabilataan sa buong Daigidig, bansa laban sa bansa ito ang tinatawag na First World War [Unang Digmaang Pandaigdig].





Sa kabila ng paglago ng kaalaman ng tao, ay hindi magawang mapigilan ito, dahil sabi nga ng Panginoong Jesus sa talata:  “sapagka't kinakailangang ito'y mangyari…”

Kaya ating natitiyak na tunay na mga salita ng Diyos ang nakasulat sa Biblia, dahil sa ang mga salita ng Diyos na nasusulat doon ay napatunayan nating natupad at talagang nangyari at patuloy na mangyayari.



 10.      Kasang-ayon ba ng Biblia ang ‘Science’ o Agham?

Kung ang “Science” ay makakaabot sa ganap na katotohanan [absolute truth] ay magiging kasang-ayon niya ang Biblia.  Sa katotohanan ay may mga bagay na hindi kaagad natuklasan ng siyensiya ngunit una nang nabanggit sa Biblia, kung ang tao lamang ay unang nagsuri sa Biblia disin sana’y hindi na siya kailangan pang gumugol ng napakaraming taon bago niya malaman ang mga bagay-bagay. 

Kukuha tayo ng ilang halimbawa:

a.       Ang mundo ay bilog at hindi lapad sabi ng Biblia

Noong unang panahon nung hindi pa nakakapag-circumnavigate [paglalakbay paikot ng mundo] ang tao ang malawak na paniniwala ng lahat ng tao ay lapad ang mundo tulad sa isang lamesa, kaya daw kung ang tao daw ay maglalayag at magpapakalayo-layo ay mahuhulog daw siya sa pinakagilid ng mundo, gaya ng inyong makikita sa larawan sa ibaba:







Noon lamang 16th Century [ika-labing anim na siglo] natuklasan ng tao na ang mundo pala ay bilog na parang bola, nang maglakbay o maglayag sa isang ekspedisyon ang grupo ni Ferdinand Magellan [noong taong 1521], paikot ng mundo ay kanilang nalaman na ang mundo ay pabilog at maaaring maglakbay ang tao ng paikot dito ng hindi mahuhulog.

Alam ba ninyo na daan-daang taon pa bago ipanganak ang Panginoong Jesus ay sinabi na ng Diyos na ang mundo ay “bilog”? Basahin natin:

Isaiah 40:22  “It is he that sitteth upon the circle of the earth, and the inhabitants thereof are as grasshoppers; that stretcheth out the heavens as a curtain, and spreadeth them out as a tent to dwell in:” [King James Version]

Sa Filipino:

Isaias 40:22  “Siya na nakaupo sa kabilugan ng mundo, at ang mga nana-nahan doon ay parang mga balang; siyang naglaladlad ng langit na parang tabing, at inilaladlad na parang tolda upang tahanan;”


Ang aklat ni propeta Isaias ay naisulat noong taong 600 B.C – Anim na raang taon pa bago ang pagkapanganak kay Jesus.

Kita ninyo, napaka-liwanag na sinabi ng Diyos na ang ating mundo ay bilog. Libong taon na nauna ang Biblia sa Science [2,121 years na nauna ang Biblia na nagsabi nito], kung tutuusin hindi na sana kailangan ng tao ang mag-experiment, basahin lang ang Biblia, diretsahan nang malalaman ang katotohanang ito, at hindi na nangangailangan na maghaka-haka ang tao, kung ano talaga ang anyo ng mundo.

b.      Ang mga bituin sa langit ay hindi mabibilang

May mga dalubhasa rin noon na nagsasabi na kung bibilangin sa pamamagitan ng pagtingin sa langit ay humigit kumulang na 3,000 lamang ang bilang ng mga bituin sa kalangitan.  Ngunit nang matuklasan at maimbento ang teleskopyo ni Galileo Galilee noon ding 16th Century, nang itinutok nila sa langit, ay natuklasan na ang mga bituin sa langit ay halos magkakadikit sa dami at hindi pala mabibilang.




Katulad din sa nauna nating halimbawa ay malaon na ring pinatunayan ng Diyos na hindi mabibilang ang mga bituin:

Jeremias 33:22  “Kung paanong ang lahat na natatanaw sa langit ay hindi mabibilang, o matatakal man ang buhangin sa dagat; gayon ko pararamihin ang binhi ni David na aking lingkod, at ang mga Levita na nagsisipangasiwa sa akin.”

Genesis 22:17  “Na sa pagpapala ay pagpapalain kita, at sa pagpaparami ay pararamihin ko ang iyong binhi, na gaya ng mga bituin sa langit, at gaya ng mga buhangin sa baybayin ng dagat; at kakamtin ng iyong binhi ang pintuang-bayan ng kaniyang mga kaaway;”

Napakalinaw na sinabi ng Diyos na:  “lahat na natatanaw sa langit ay hindi mabibilang”, hindi ba napakalinaw niyan na ang mga bituin ay hindi kayang bilangin ninoman? At inihambing pa ng Diyos ang dami ng mga bituin sa langit sa dami ng mga buhangin sa dagat na hindi rin kayang bilangin ng tao.

Ilan lamang iyan sa napakaraming halimbawa na ating maibibigay na higit na mas una pa ang Biblia kaysa sa Science, at unang matutuklasan ng tao ang katotohanan kung sa Biblia sana sila unang humanap ng kasagutan.  Kaya wala pong dahilan para hindi tayo magtiwala at manalig o maniwala sa mga salita na nakasulat sa Biblia, dahil napakatibay ng mga ebidensiya na ang Biblia, ay tunay na Salita ng Diyos.



11.      Magagamit ba ng tao ang sarili niyang karunungan sa pag-unawa at pagbibigay kahulugan sa mga salita na nasa Biblia?

Hindi galing sa karunungan ng tao ang Biblia, kaya hindi ito maaaring gamitan ng pansariling pagpapaliwanag:

2 Pedro 1:20-22  “Na maalaman muna ito, na alin mang hula ng kasulatan ay hindi nagbuhat sa sariling pagpapaliwanag.  Sapagka't hindi sa kalooban ng tao dumating ang hula kailanman: kundi ang mga tao ay nagsalita buhat sa Dios, na nangaudyokan ng Espiritu Santo.”

Hindi rin maaaring magamit ng tao ang sarili niyang karunungan para maunawaan ito, dahil iwawalat o wawalaing kabuluhan ng Diyos ang karunungan ng tao;

1 Corinto 1:19  “Sapagka't nasusulat, Iwawalat ko ang karunungan ng maru-runong, At isasawala ko ang kabaitan ng mababait.”

Hindi ayon sa karunungan ng tao ang salita na nasa Biblia, kaya hindi niya ito mauunawaan sa sarili niyang kaparaanan, kaya dapat itong siyasatin ayon sa Espiritu:

1 Corinto 2:12-13  “Nguni't ating tinanggap, hindi ang espiritu ng sanglibutan, kundi ang espiritung mula sa Dios; upang ating mapagkilala ang mga bagay na sa atin ay ibinigay na walang bayad ng Dios. Na ang mga bagay na ito ay atin namang sinasalita, hindi sa mga salitang itinuturo ng karunungan ng tao, kundi sa itinuturo ng Espiritu; na iniwawangis natin ang mga bagay na ayon sa espiritu sa mga pananalitang ayon sa espiritu.”



12.               Paano kung sikapin ng tao na pag-aralan ito sa sarili niyang paraan, mauu-nawaan kaya niya?

Pag-aralan man ng pag-aralan ng tao ito, ay hidi siya makaaabot sa pagkaalam ng katotohanan:

2 Timoteo 3:7  “Na laging nagsisipag-aral, at kailan pa man ay hindi nakararating sa pagkaalam ng katoto-hanan.”

Kaya nga sa kabila na iisa lamang ang Biblia ay nagkaiba-iba ang tao ng pagpapaliwanag dito at kailan man ay hindi niya ito matututunan kung ang kaniyang gagamitin ay ang kaniyang sariling karunungan, dahil ang karunungan ng sanglibutang ito ay kamangmangan sa Panginoong Diyos:

1 Corinto 3:19  “Sapagka't ang karunungan ng sanglibutang ito ay kamangmangan sa Dios. Sapagka't nasusulat, Hinuhuli niya ang marurunong sa kanilang katusuhan:”



13.      Paano kung tangkain ng tao na ipaliwanag ang Biblia at siya’y magkamali ng pagbibigay ng kahulugan?

Kung nagkamali ang tao at nabigyan niya ng maling kahulugan ang Biblia, siya ay mapapahamak:

2 Pedro 3:16 “Sa lahat ng sulat niya tungkol sa paksang ito, ganito ang lagi niyang paalala. Kaya lang, ang ilang bahagi sa kanyang mga sulat ay mahirap unawain, at binibigyan ng maling kahulugan ng mga mangmang at magugulo ang pag-iisip. Ganyan din ang kanilang ginagawa sa ibang mga Kasulatan, kaya nga't ipinapahamak nila ang kanilang sarili.”  [Magandang Balita, Biblia]

Kaya hindi dapat tangkain ng sinoman na bigyan ng maling kahulugan ang mga salita na nasa Biblia, dahil mapapahamak sila, na ang katumbas noon ay ang kapahamakang walang hanggan sa dagat-dagatang apoy [2 Tessalonica 1:7-9].



14.      Bakit ba mahirap unawain ang mga salita ng Diyos na nasa Biblia?

Sapagkat ito’y pahayag ng hiwaga na natago sa katahimikan nang panahong walang hanggan.  Isa itong nakalihim na hiwaga:

Roma 16:25  “At ngayon sa kaniya na makapangyarihan na sa inyo'y makapag-papatibay ayon sa aking evangelio at sa pangangaral ni Jesucristo, ayon sa pahayag ng hiwaga na natago sa katahimikan nang panahong walang hanggan.”

Sa pagsasabi pa lamang na ito ay isang hiwaga ay malinaw na malinaw na hindi nga ito mauunawaan, ngunit ang “hiwagang” ito ay itinago at inilihim pa kaya lalo nang mahirap itong unawain.

Bukod sa ito ay mahiwaga ay ginamitan pa ito ng mga talinghaga na hindi madaling mauunawa:

Marcos 4:11-12 “…datapuwa't sa kani-lang nangasa labas, ang lahat ng mga bagay ay ginagawa sa pamamagitan ng mga talinghaga: Upang kung magsitingin sila'y mangakakita, at huwag mamalas; at kung mangakinig sila'y mangakarinig, at huwag mangakaunawa;…”

Kaya sa kabila nang nakikita nating binabasa ito at ipinangangaral ng marami, ay hindi nanga-ngahulugan na nauunawaan nila ang nilalaman nito o ang tunay na kahulugan nito.  Kaya nga kapansin-pansin ang iba-iba at nagkakasalungatan nilang interpretasyon, na ang naging bunga nga ay ang pagbangon ng iba’t-ibang relihiyon na nagpapakilala ring mga Cristiano.  Imposible po na malaman ng tao ang tunay na kahulugan ng mga salita sa Biblia gamit ang sarili niyang karunungan at kaparaanan.


15.      May mga tao ba na pinagkalooban ng Diyos na makaunawa ng hiwaga ng kaniyang mga salita?

Mayroon, ating basahin ang sagot sa aklat ni Apostol Lucas:

Lucas 8:10  “At sinabi niya, Sa inyo'y ipinagkaloob ang mangakaalam ng mga hiwaga ng kaharian ng Dios: datapuwa't sa mga iba'y sa mga talinghaga; upang kung magsitingin ay huwag silang mangakakita, at mangakarinig ay huwag silang manga-kaunawa.”

May mga taong pinagkalooban na makaalam o makaunawa ng tunay na kahulugan ng mga hiwaga ng Diyos ayon sa Panginoong Jesus.  Sinabi rin niya na “datapuwa't sa mga iba'y sa mga talinghaga mga iba'y sa mga talinghaga” – na ang ibig sabihin iyong mga taong hindi pinagakalooban ay hindi ito mauunawaan, kaya magkakamali sila ng paka-hulugan dito.
Ang kausap niya sa talata ay ang mga Apostol niya.  Ano ba ang katangian ng mga Apostol at bakit sa kanila ipinagkaloob ang makaalam ng hiwaga?

Juan 17:8, 18  “Sapagka't ang mga Sali-tang sa akin ay ibinigay mo ay ibinigay ko sa kanila; at kanilang tinanggap, at nangakilala nilang tunay na nagbuhat ako sa iyo, at nagsipaniwalang ikaw ang nagsugo sa akin… Kung paanong ako'y iyong sinugo sa sanglibutan, sila'y gayon ding sinusugo ko sa sanglibutan.”

Ang mga Apostol ay mga sugo ng Panginoong Jesucristo at kapag sugo ng Panginoong Jesucristo ay sugo rin ng Diyos:

Juan 13:20  “Katotohanan, katotoha-nang sinasabi ko sa inyo, Ang tumatanggap sa sinomang sinusugo ko ay ako ang tina-tanggap; at ang tumatanggap sa akin ay tinatanggap ang nagsugo sa akin.”

Maliwanag kung gayon na sa mga tunay na sugo ng Diyos ipinagkaloob ang makaalam ng hiwaga ng evanghelio, sila lamang ang maaaring makapagbigay ng tunay na kahulugan ng mga salita ng Diyos na nakasulat sa Biblia.  Sa mga tunay na sugo lamang ipinagkatiwala ang salita ng pagkakasundo na siyang evanghelio:

2 Corinto 5:19-20  “Sa makatuwid baga'y, na ang Dios kay Cristo ay pinakipagkasundo ang sanglibutan sa kaniya rin, na hindi ibinibilang sa kanila ang kanilang mga kasalanan, at ipinag-katiwala sa amin ang salita ng pagka-kasundo. Kami nga'y mga sugo sa pangalan ni Cristo, na waring nama-manhik ang Dios sa pamamagitan namin: kayo'y pinamamanhikan namin sa panga-lan ni Cristo, na kayo'y makipagkasundo sa Dios.”



16.      Maaari bang mangaral ang isang tao kung hindi naman siya sugo?

Hindi maaari, dahil walang karapatang mangaral ang isang taong hindi naman sugo ng Diyos, gaya ng ipinaliwanag ni Apsotol Pablo:

Roma 10:14-15  “Paano nga silang mag-sisitawag doon sa hindi nila sinampa-latayanan? at paano silang magsisi-sampalataya sa kaniya na hindi nila napa-kinggan? at paano silang mangakikinig na walang tagapangaral? At paano silang magsisipangaral, kung hindi sila mga sinugo?...”

Ang sinabing ito ni Apostol Pablo ay isang uri ng rhetorical question:  “At paano silang magsisi-pangaral, kung hindi sila mga sinugo?” Ito ay isang uri ng tanong na nandun na rin ang sagot:  Ang ibig sabihin hindi maaaring mangaral ang hindi sugo. Ang mga tunay na sugo lamang ng Diyos ang may karapatan na mangaral at magpaliwanag sa tao ng Biblia.  Kaya ang mga tunay na sugo lamang ang dapat nating sangguniin dahil sa sila ang may tungkulin na magturo ng tunay na kaalaman tungkol sa Diyos at ng kaniyang kalooban:

 Malakias 2:7Tungkulin ng mga saserdote na ituro ang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos. Sa kanila dapat sumangguni ang mga tao tungkol sa aking kalooban, sapagkat sila ang mga sugo ng Makapang-yarihang si Yahweh.” [Magandang Balita, Biblia]



17.         Hindi ba’t sa Diyos naman ang lahat ng nangangaral basta may dalang Biblia? 

Hindi komo’t Biblia ang dala-dala ng isang nangangaral ay katibayan na iyon ng pagiging sa Diyos niya o pagiging sa Diyos ng mga aral na kaniyang itinuturo, dahil maging ang Diablo ay gumagamit din ng Biblia para makapandaya, narito ang katunayan:

Mateo 4:5-6  “Nang magkagayo'y dinala siya ng Diablo sa bayang banal; at inilagay siya sa taluktok ng templo, At sa kaniya'y sinabi, Kung ikaw ang Anak ng Dios, ay magpatihulog ka: sapagka't nasusulat, Siya'y magbibilin sa kaniyang mga anghel tungkol sa iyo: at, Aalalayan ka ng kanilang mga kamay, Baka matisod ka ng iyong paa sa isang bato.

Nang tuksuhin ng Diablo ang Panginoong Jesucristo ay ginamit niya ang mga salitang nakasulat sa Biblia, ang sabi niya “nasusulat” saan ba nakasulat ang sinabi niyang ito?

Awit 91:11  “Sapagka't siya'y magbibilin sa kaniyang mga anghel tungkol sa iyo, upang ingatan ka sa lahat ng iyong mga lakad.”

    Ginamit ng Diablo ang nakasulat sa Awit 91:11, at ipinantukso niya kay Jesus.  Kaya napakaliwanag ngayon na maging si Satanas ay gumagamit din ng Biblia para makapandaya ng tao.  Kaya hindi ebidensiya na komo’t may dalang Biblia ang isang nangangaral ay tunay na siyang sa Diyos, kailangan nating magsuri at tiyakin ang pagiging totoo ng isang Mangangaral.

1 Juan 4:1 “Mga minamahal, huwag ninyong paniniwalaan kaagad ang bawat nagsasabing nasa kanila ang Espiritu. Sa halip, subukin muna ninyo sila upang malaman kung talagang mula sa Diyos ang espiritung nasa kanila, sapagkat marami nang huwad na propeta sa mundong ito.” [Magandang Balita, Biblia]

Kaya napakahalaga na ang tao ay magsuri, dahil sa ito ang magdadala sa kaniya sa tunay na pagkaunawa at tunay na pananampalataya na kaniyang ikaliligtas.



18.         Paano ba ang tamang paggamit ng Biblia?

Inaakala ng iba na ang Biblia ay parang pangkaraniwang aklat na babasahin mo na parang komiks o magazine, uumpisahan mo sa una hanggang sa huli.  Mahiwaga ang Biblia kaya  kakaiba rin ang paraan ng paggamit dito, at di katulad ng ordinaryong aklat na nabibili kung saan na binabasa natin, hindi nangangailangan na ito ay basahin natin mula umpisa hanggang sa huli.  Paano ba ang tamang paggamit nito?  Sasagutin tayo ng Panginoong Diyos:

Isaias 28:13  “Kaya't ang salita ng Panginoon ay magiging sa kanila'y utos at utos, utos at utos; bilin at bilin, bilin at bilin; dito'y kaunti, doo'y kaunti; upang sila'y mangakayaon, at mangapahinga, at mangabalian, at mangasilo, at mangahuli.”

Ang paggamit ng salita ng Panginoon ay: dito'y kaunti, doo'y kaunti”, ibig sabihin babasa ka ng kaunti dito at babasa ka ng kaunti doon.  At hindi na kailangang basahing lahat.  Kumuha tayo ng halimbawa ng paggamit sa Biblia:

Genesis 3:1  “Ang ahas nga ay lalong tuso kay sa alin man sa mga hayop sa parang na nilikha ng Panginoong Dios. At sinabi niya sa babae, Tunay bang sinabi ng Dios, Huwag kayong kakain sa alin mang punong kahoy sa halamanan?”

Sa aklat ng Genesis na pinakaunang aklat ng Biblia ay may binabanggit na “ahas”, na ito nga ay ang dumaya kay Eva’t Adan.  Ngayon gusto nating malaman kung sino iyong Ahas na tinutukoy.  Kung ang gagamitin natin ay ang paraan ng paggamit na kagaya sa ordinariyong mga libro na babasahin ng tuloy-tuloy at mula una hanngang sa huli, maniniwala ba kayong mababasa niyo na halos nang buo ang Biblia bago ninyo malaman kung sino iyong Ahas? Bakit saan ba mababasa kung sino iyong Ahas na iyon?

Apocalypsis 20:2  “At sinunggaban niya ang dragon, ang matandang ahas, na siyang Diablo at Satanas, at ginapos na isang libong taon,”

Aabutin tayo ng ilang linggo, o buwan pa siguro kung babasahin natin ng tuloy-tuloy ang Biblia, dahil ang kasagutan ay nasa kahuli-hulihang aklat, ang Apocalypsis, at doon lamang natin mababasa na ang ahas ay ang Diablo at Satanas.

Kaya nga kailangan lamang ay puntahan kagad natin ang mga talatang magkakaugnay, “dito’y kaunti, doo’y kaunti”, hindi na nangangailangan pa na basahin ng buo at tuloy-tuloy.  Kung ano ang tanong, pupunta kagad tayo sa tamang verse at babasahin ang kaugnay na sagot, ganiyan po ang tamang paggamit ng Biblia.

Kagaya ng pagtalakay dito, hindi niyo ba napapansin na kung saan-saang bahagi ng Biblia tayo kumukuha ng sagot sa ating mga tanong?  At kadalasa’y tig-kakaunti lamang at hindi ang buong kapitulo o chapter ang ating sinisipi? Ganiyan po ang tamang paggamit, at iyan po ang ating sinusunod maging dito sa paksang ating pinag-uusapan.



19.         Paano kung tangkain ng iba na baguhin, bawasan, at dagdagan ang mga salita na nakasulat sa Biblia?

Hindi pinahihintulot na maging tuldok o kuwit ay mawala sa mga kautusan o sa Biblia:

Matthew 5:18  “Heaven and earth may disappear. But I promise you that not even a period or comma will ever disappear from the Law. Everything written in it must happen.” [Contemporary English Version]


Sa Filipino:

Mateo 5:18 “Ang Langit at lupa ay maaaring mawala.  Ngunit ipinangangako ko na kahit ang isang tuldok o kuwit ay hindi mawawala sa Kautusan.  Lahat ng nakasulat doon ay mangyayari.”

Mahigpit ding ipinagbabawal ang magdagdag o magbawas ng mga salita na nakasulat doon, ang Diyos mismo ang nagbabawal:

Deuteronomio 4:2  “Huwag ninyong daragdagan ni babawasan ang salita na aking iniuutos sa inyo, upang inyong maingatan ang mga utos ng Panginoon ninyong Dios na aking iniuutos sa inyo.”

At ang magdaragdag ni magbabawas ng mga salita nito ay mapaparusahan:

Apocalypsis 22:18-19  “Aking sinasak-sihan sa bawa't taong nakikinig sa mga salita ng hula ng aklat na ito, Kung ang sinoman ay magdagdag sa mga ito, ay daragdagan siya ng Dios ng mga salot na nakasulat sa aklat na ito:  At kung ang sinoman ay magalis sa mga salita ng aklat ng hulang ito, ay aalisin ng Dios ang kaniyang bahagi sa punong kahoy ng buhay, at sa bayang banal, na nangakasulat sa aklat na ito.”

Mabigat ang parusa sa mga taong mangangahas na magdagdag ni magbawas, mag-alis, magbago ng mga salita na nakasulat sa Biblia. Kasuklam-suklam sa Panginoong Diyos at sa Panginoong Jesucristo ang ganitong gawain.  Kinakailangang hindi tayo dapat humigit sa mga bagay na nangasusulat, gaya ng pahayag ni Apostol Pablo:

1 Corinto 4:6  “Ang mga bagay ngang ito, mga kapatid, ay inianyo ko sa halimbawa sa aking sarili at kay Apolos dahil sa inyo; upang sa amin ay mangatuto kayo na huwag magsihigit sa mga bagay na nangasusulat;…”

At ang dapat nating sundin ay ang mga nakasulat lamang sa Biblia, tangi sa mga bagay na nakasulat dito ay wala na tayong iba pang dapat paniwalaan, sampalatayanan, at sundin:

Juan 20:30-31  “Gumawa rin nga si Jesus ng iba't ibang maraming tanda sa harap ng kaniyang mga alagad, na hindi nangasusulat sa aklat na ito:   Nguni't ang mga ito ay nangasulat, upang kayo'y magsisampalataya na si Jesus ay ang Cristo, ang Anak ng Dios; at sa inyong pagsampalataya ay magkaroon kayo ng buhay sa kaniyang pangalan.”

Kaya nga kung may mangangaral na ang kaniyang mga aral ay hindi natin mababasa o hindi matatagpuan sa Biblia, ay huwag po natin itong tatanggapin o paniniwalaan.  Dahil kung wala sa Biblia ang isang aral at paniniwala maliwanag na ito ay isang huwad o pekeng aral, at ang kaniyang kinabibilangan ay isang pekeng relihiyon din. Ang tunay na relihiyon at tunay na mangangaral ay nagtuturo ng aral na 100% mababasa at lahat ay matatagpuan sa Biblia.

Kaya ‘pag may lumapit sa inyo na nangangaral, hindi masama na magtanong ng:  “Saan mababasa sa Biblia ang sinabi mo?” Anong verse?” sapagkat sa ganitong paraan natin malalaman kung ang isang nangangaral ay huwad o tunay na tagapangaral na sugo ng Diyos. Ang kaniyang itinuturo ay kinakailangan galing lahat sa Biblia o mula sa Diyos at hindi galing lang sa kaniyang sarili:

Juan 7:17-18  “Kung ang sinomang tao ay nagiibig gumawa ng kaniyang kalooban, ay makikilala niya ang turo, kung ito'y sa Dios, o kung ako'y nagsasalita na mula sa aking sarili.  Ang nagsasalita ng sa ganang kaniyang sarili'y humahanap ng kaniyang sariling kaluwalhatian: datapuwa't ang humahanap ng kaluwalhatian niyaong sa kaniya'y nagsugo, ang gayon ay totoo, at sa kaniya'y walang kalikuan.”

At kapag galing lang sa sarili ang aral na itinuturo ng isang mangangaral, maliwanag na iyon ay utos lang ng tao at hindi utos ng Diyos.  At kapag utos ng tao ang ating sinunod mawawalan ng kabuluhan ang ating ginagawang paglilingkod at pagsamba sa Diyos:

Mateo 15:8-9  “Ang bayang ito'y igina-galang ako ng kanilang mga labi; Datapuwa't ang kanilang puso ay malayo sa akin.  Datapuwa't walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin, Na nagtuturo ng kanilang pinakaaral ang mga utos ng mga tao.”

Kaya kung ayaw nating mawalan ng kabuluhan ang ating paglilingkod sa Panginoong Diyos, ang ating dapat paniwalaan, sampalatayanan at sundin ay tanging ang Biblia lamang na tunay na mga salita ng Diyos.  Ito lamang ang aklat na pangrelihiyon na dapat sundin at dapat talimahin ng lahat ng tao.