Exodo 20:3-5
“Huwag kang magkakaroon ng ibang mga dios sa harap ko. Huwag kang
gagawa para sa iyo ng larawang inanyuan o ng kawangis man ng anomang
anyong nasa itaas sa langit, o ng nasa ibaba sa lupa, o ng nasa tubig sa
ilalim ng lupa: Huwag mong yuyukuran sila, o paglingkuran man sila;
sapagka't akong Panginoon mong Dios, ay Dios na mapanibughuin, na aking
dinadalaw ang katampalasanan ng mga magulang sa mga anak, hanggang sa
ikatlo at ikaapat na salin ng lahi ng mga napopoot sa akin;”
Subalit
ang nakapagtataka, kapag ang nasabing talata ay ating binasa sa isang
Katoliko at aming sinabi sa kanila na sila man ay nagsasagawa ng
ganitong gawain, ang agad nilang sinasabi ay ganito:
“Hindi
naman namin sinasamba ang mga imahen o rebulto na nasa aming mga
simbahan, ang mga iyon ay amin lamang iginagalang. Ang turo sa amin ng
mga Pari ay ang Diyos ang aming dapat na sambahin. May mga larawan kami
sa aming mga simbahan ng mga Santo at Apostoles hindi upang sambahin
kundi sila ay amin lamang ginugunita sa pamamagitan ng mga larawang
iyon.”
At
dahil ganito ang kanilang nasa isipan, kung kaya madalas ay nagdaramdam
sila at nagagalit sila sa mga ministro at maging sa mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo
kapag sila ay napupuna. May nagsasabing bakit daw hindi na lang ang
ituro ng mga ministro namin ay ang aming sariling aral, matuto raw
kaming gumalang sa pinaniniwalaan ng iba.
Subalit
ang sinusunod namin ay ang sinasabi ng Biblia. Dapat bang
isawalang-kibo ng isang tao kung may nakikita siyang maling ginagawa ng
kaniyang kapuwa na ikapapahamak niya? Wala ba siyang gagawin kung alam
niya naman ang tama at hindi niya ipagmamalasakit ang kaniyang kapuwa?
Ganito ang sabi ng Biblia:
Judas 1:23 “At ang iba'y inyong iligtas, na agawin ninyo sa apoy; at ang iba'y inyong kahabagan na may takot; na inyong kapootan pati ng damit na nadungisan ng laman.”
Ang isang tao na nasa katotohanan
ay may pananagutan na dapat gawin, kailangan niyang iligtas ang
kaniyang kapuwa at agawin sa apoy, ang apoy na tinutukoy ay ang
kaparusahang walang hanggan na ito ay ang dagatdagatang apoy na siyang
ikalawang kamatayan:
Apocalypsis 20:14 “At ang kamatayan at ang Hades ay ibinulid sa dagatdagatang apoy. Ito ang ikalawang kamatayan, sa makatuwid ay ang dagatdagatang apoy.”
Dahil ang gawang pagluhod at pagsamba sa isang larawan ay isang gawaing magdadala sa tao sa kapahamakang walang hanggan:
Apocalypsis 21:8
“Nguni't sa mga duwag, at sa mga hindi mananampalataya, at sa mga
kasuklamsuklam, at sa mga mamamatay-tao, at sa mga mapakiapid, at sa mga
manggagaway, at sa mga mapagsamba sa diosdiosan, at sa lahat na mga sinungaling, ang kanilang bahagi ay sa dagatdagatang nagniningas sa apoy at asupre; na siyang ikalawang kamatayan.”
Ang tinatawag na “diosdiosan”
ay yung mga larawan na sinasamba na tulad sa Diyos, kaya tinawag na
“diosdiosan” ay sapagkat hindi ito tunay na Diyos. Tulad ng salitang “kotse-kotsehan” hindi tunay na kotse, “bahay-bahayan”
hindi tunay na bahay. Maliwanag na sinabi sa atin ng Biblia na ang mga
gumagawa ng pagsamba, pagluhod, at paglilingkod sa mga larawan, imahen,
o mga rebulto ay isang gawaing kasuklamsuklam sa paningin ng Diyos at
ito ay kanilang ikapapahamak sa dagatdagatang apoy na kilala sa tawag na
impierno.
Subalit,
sinasabi nga ng mga Katoliko na hindi sila sumasamba sa larawan, ang
kanilang ginagagawa bagamat nakaharap sa isang rebulto o imahen ay
patungkol daw sa Diyos. Kaya hindi daw maaari na mapahamak sila, dahil
ang paparusahan daw sa Biblia ay iyong mga sumasamba sa mga larawan, at
hindi naman daw ganun ang kanilang ginagawa kaya huwag daw silang
paratangan ng hindi nila gawain.
Totoo
nga kaya ang kanilang pangangatwirang ito? Hindi nga kaya talaga sila
sumasamba sa mga larawan o imahen, at mga rebulto? Atin tunghayan ang
pag-amin ng kanilang mga Pari.
Ang Pag-amin ng Simbahang Katoliko
Ang
mga awtoridad Katoliko, mga Pari, ay karaniwan ng gumagawa at
naglalathala ng mga Aklat na siyang ginagamit nila sa kanilang
pagtuturo. Marahil ay ikagugulat ng isang Katoliko na nagsasabi na
siya’y hindi sumasamba sa larawan kung kaniyang makikita at mababasa na
ang kanilang mga aklat mismo na sinulat ng kanilang mga Pari ay umaaamin
na sila nga ay sumasamba sa larawan.
Narito ang katibayan, sa isang aklat Katoliko na may pamagat na “Siya ang Inyong Pakinggan: Ang Aral na Katoliko, na sinulat ng isang pari na si Enrique Demond, ay ganito ang ating mababasa:
“Kung ating sinasamba ang larawan ni Kristong napapako sa Krus, dinadasal natin: ‘Sinasamba kita at pinupuri, Panginoon kong JesuCristo,…” [Siya
ang Inyong Pakinggan: Ang Aral na Katoliko, sinulat ni Padre Enrique
Demond, inilathala ng Catholic Trade School, may imprimatur ni Jose
Bustamante, pahina 12 ]
Kitang-kita sa aklat na ito ang pag-amin ng Pari na ang mga Katoliko’y sumasamba sa larawan, sa
pagsasabing sinasamba nila ang larawan ni Cristo. Pero kahit na
sabihin pa nila na ang sinasamba nila ay ang larawan ni Cristo, ay wala
naman po tayong mababasa kailan man sa mga pahina ng Biblia na
ipinag-utos na sambahin ang larawan ni Cristo, kaya maliwanag kung gayon
na talagang sumasamba sila sa larawan.
Hindi lamang iyon, narito pa ang isa, Isang munting aklat Katoliko na may pamagat na “Catesismo” na tinagalog ng Pari na si Luis de Amezquita , ganito naman ang ating mababasa:
“
Pagbangon mo sa banig ay agad kang manikluhod sa harap ng isang Krus o
isang mahal na larawan. Kung maninikluhod ka sa tapat ng Altar magwika
ka ng ganito: Sinasamba kita,” [Catesismo, ni Padre Luis de Amezquita, pahina 79 at 82].
Dito
naman sa aklat na ito ay maliwanag na inuutusan ang isang Katoliko na
agad na manikluhod o lumuhod pagkagising sa harap ng isang Krus o isang
mahal na larawan, at pagkatapos ay sasabihin sa harapan nito ang mga
katagang: “Sinasamba Kita”. Hindi ba iyan maliwanag na pag-uutos sa
isang Katoliko na lumuhod at sumamba sa isang Larawan?
Kaya
nga sabihin man nila na hindi sila sumasamba kung ang nakikita naman
natin ay ang kanilang ginagawa: sila ay lulumuluhod at nananalangin sa
harapan ng mga larawan ng mga tinatawag nilang mga Santo, hindi ba iyon
ang nagpapatunay na sila ay sumasamba dito? Dahil sa Biblia ang
katumbas ng gawang pagyukod o pagluhod ay pagsamba, basahin natin:
Awit 95:6 “Oh magsiparito kayo, tayo'y magsisamba at magsiyukod; tayo'y magsiluhod sa harap ng Panginoon na May-lalang sa atin.”
At
maliwanag namang sinabi ng Diyos na ang pagyukod o pagluhod sa mga ito
ang kaniyang ipinagbabawal hindi po ba? Balikan po natin ang sinasabi ng
Diyos sa aklat ng Exodo:
Exodo 20:3-5 “Huwag
kang magkakaroon ng ibang mga dios sa harap ko. Huwag kang gagawa para
sa iyo ng larawang inanyuan o ng kawangis man ng anomang anyong nasa
itaas sa langit, o ng nasa ibaba sa lupa, o ng nasa tubig sa ilalim ng
lupa: Huwag mong yuyukuran sila, o paglingkuran man sila;
sapagka't akong Panginoon mong Dios, ay Dios na mapanibughuin, na aking
dinadalaw ang katampalasanan ng mga magulang sa mga anak, hanggang sa
ikatlo at ikaapat na salin ng lahi ng mga napopoot sa akin;”
Kaya
ang mismong pagluhod na ginagawa ng mga tao sa mga larawang ito, ay ang
mismong ipinagbabawal ng Panginoong Diyos. Aminin man nila o hindi,
ang ginagawa nilang ito ay maliwanag na pagsamba at pagluhod sa mga
larawan na kasuklam-suklam sa Panginoong Diyos. Binanggit din ng Diyos
na hindi natin dapat paglingkuran ang mga larawang ito. Hindi ba’t
nakikita nating kanilang pinapasan, binibihisan, sinasabitan ng mga bulaklak, ipinagpuprusisyon, pinapahiran ng panyo, ipinagpipiyesta at kung anu-ano pa na ito’y maliwanag na pagsisilbi o paglilingkod sa larawan na hindi rin po dapat na gawin.
Kumuha pa tayo ng dagdag na katibiyan ng kanilang pag-amin sa gawaing ito, sa isa pang aklat Katoliko:
“13. Ang pagsamba ba sa mga santo ay ukol lamang sa kanilang katauhan?
Hindi, sumasaklaw din ito sa kanilang mga relikya at mga larawan.”
“14. Ano ang tinatawag nating mga relikya?
Tinatawag nating mga Relikya:
1. Ang mga labi ng katawan ng isang santo na pinapaging-binal o inihanda sa pagiging banal ng Iglesia [Katolika];”
2.
Ang mga bagay na naging pag-aari ng mga santo, o yaong napadaiti sa
kanilang mga katawan: tulad ng kanilang kasuotan, mga ataol, at iba pa
“15. Dapat ba nating sambahin ang mga banal na larawan?
Dapat tayong magkaroon lalo na sa ating mga simbahan, ang mga larawan
ng ating Panginoong, tulad ng sa pinagpalang Birhen at mga santo, at
dapat natin silang bigyan ng kaukulang paggalang at pagsamba”. [Salin sa Filipino mula sa Cathecism of Christian Doctrine, inilathala ng De La Salle College, pahina 95]
Maliwanag na ipinakita sa atin ng aklat Katolikong ito na ang sinasamba nila sa isang kinikilala nilang santo ay ang kaniyang katauhan, larawan, at relikya.
Hindi po ba ang mga santo ay mga tao lamang? Sinasabi po ng aklat na
ito na ang mga larawan ng mga santo ay dapat nating sambahin. Dapat po
ba tayong lumuhod sa harapan ng mga tinatawag na santo o iyong mga taong
banal?
Si Apostol Pedro ay kinikilalang santo sa Iglesia Katolika na tinatawag nilang San Pedro na nakikita rin natin na kanilang niluluhuran. Pumapayag ba si Apostol Pedro na siya ay luhuran? Basahin natin?
Mga Gawa 10:25-26
“At nangyari, na pagpasok ni Pedro, ay sinalubong siya ni Cornelio, at
nagpatirapa sa kaniyang paanan, at siya'y sinamba. Datapuwa't itinindig
siya ni Pedro, na sinasabi, Magtindig ka; ako man ay tao rin.”
Kita
ninyo nang magpatirapa o lumuhod si Cornelio sa harap ni Apostol Pedro
ay hindi siya pumayag sa ginawa niyang ito? Kung mismo noon ay hindi
pumapayag ang mga Apostol na sila yukuran at sambahin, sa palagay po ba
natin ay papayag sila na sambahin at luhuran ang kanilang mga larawan?
Sana
po imbes na ipagdamdam ninyo ang aming paglalahad na ito ay inyong
ituring na isang pagmamalasakit sa inyo, dahil hindi po talaga pumapayag
ang Panginoong Diyos sa ganitong gawain. Kami po ay nagsasabi ng
katotohanang ito batay sa mga salita ng Diyos na nakasulat sa Biblia na
sana po’y siyang ating tanggapin, paniwalaan, at higit po sa lahat ay
ating sundin.
Hindi Maigagawa ng Larawan ang Diyos
Marami
ang nag-aakala na ang Diyos ay may larawan, na ito nga ay ang nakikita
nating isang anyo ng isang magandang lalake na may mahabang buhok at may
balbas. Subalit sa katotohanan, ang Diyos po ba ay may anyo? Atin
pong basahin ang paghahayag ng Diyos mismo:
Deuteronomio 4:15 “Ingatan nga ninyong mabuti ang inyong sarili; sapagka't wala kayong nakitang anomang anyo nang araw na magsalita ang Panginoon sa inyo sa Horeb mula sa gitna ng apoy:”
Maliwanag ang pahayag ng Diyos na siya ay walang anomang anyo. Bakit? Ano ba ang kalagayan ng Diyos?
Juan 4:24 “Ang Dios ay Espiritu: at ang mga sa kaniya'y nagsisisamba ay kinakailangang magsisamba sa espiritu at sa katotohanan.”
Maliwanag ang sagot ng Panginoong Jesus, ang Diyos ay Espiritu, ano ba ang isang espiritu?
Lucas 24:39 “Tingnan ninyo ang aking mga kamay at ang aking mga paa, ako rin nga: hipuin ninyo ako, at tingnan; sapagka't ang isang espiritu'y walang laman at mga buto, na gaya ng inyong nakikita na nasa akin.”
Ang
isang Espiritu ay walang laman at mga buto, samakatuwid ang Diyos ay
walang laman at mga buto kaya wala siyang anomang anyo. Eh maigagawa ba
siya ng larawan?
Isaias 46:5 “Kanino ninyo ako itutulad, at ipaparis, at iwawangis ako, upang kami ay magkagaya?”
Maliwanag
ang pahayag ng Diyos, wala siyang kagaya, kawangis o kamukha, kaya
imposible na maigawa ng tao ang Diyos ng larawan, dahil hindi nakikita
ang Panginoong Diyos:
1 Timote 1:17 “Ngayon sa Haring walang hanggan, walang kamatayan, di nakikita, sa iisang Dios, ay ang kapurihan at kaluwalhatian magpakailan kailan man. Siya nawa.”
Kaya
po kung may magsasabi sa atin na ang isang larawan ay iyon ay mukha ng
Diyos, tiyak na tiyak na natin na hindi totoo ang kaniyang sinasabi,
dahil hindi kailanman maaaring maigawa ng larawan ang Diyos. At
kailanman ay hindi niya ibibigay ang kaniyang kaluwalhatian at kapurihan
sa mga larawang inanyuan lamang ng tao:
Isaias 42:8 “Ako
ang Panginoon; na siyang aking pangalan: at ang aking kaluwalhatian ay
hindi ko ibibigay sa iba, o ang akin mang kapurihan sa mga larawang
inanyuan.”
Ang Marapat na Pagsamba
Paano
ba natin magagawa ang marapat na pagsamba sa Diyos? Atin na pong
nalaman na hindi sa pamamagitan ng paggamit ng mga larawan. Atin pong
tunghayan ang pahayag ng Panginoong Jesus:
Juan 4:23 “Datapuwa't
dumarating ang oras, at ngayon nga, na sasambahin ng mga tunay na
mananamba ang Ama sa espiritu at katotohanan: sapagka't hinahanap ng Ama
ang mga gayon na maging mananamba sa kaniya.”
Sabi ng Panginoong Jesus ang mga tunay na mananamba sa Diyos ay sinasamba siya sa Espiritu at Katotohanan, ito
ang marapat na paraan na pagsamba sa Diyos na dapat nating gawin dahil
ito ang hinahanp ng Diyos na maging mananamba sa kaniya.
Paano ang pagsamba sa Ama sa espiritu?
Mateo 6:9 “Magsidalangin nga kayo ng ganito: Ama namin na nasa langit ka, Sambahin nawa ang pangalan mo.”
Ang
pagsamba sa Ama sa Espiritu ay ang pagsamba sa kaniyang pangalan at
hindi sa kaniyang larawan? Maliwanag po iyan. Paano ba ang pagsamba sa
pangalan ng Diyos, isusulat ba natin ang kaniyang pangalan sa isang
papel pagkatapos ay ididikit sa pader at ating luluhuran? Ganun po ba?
Hindi po ganun, narito po ang sagot:
Hebreo 13:15 “Sa
pamamagitan nga niya ay maghandog tayong palagi ng hain ng pagpupuri sa
Dios, sa makatuwid baga, ay ng bunga ng mga labi na nagpapahayag ng
kaniyang pangalan.”
Kapag
ating pinupuri at binibigkas o sinasabi ang pangalang ipinantatawag
natin sa kaniya, ito ang pagsamba sa kaniya sa espiritu. Ano ang
pangalang iyon?
Juan 20:17
“Sinabi sa kaniya ni Jesus, Huwag mo akong hipuin; sapagka't hindi pa
ako nakakaakyat sa Ama, nguni't pumaroon ka sa aking mga kapatid, at
sabihin mo sa kanila, Aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama, at aking Dios at inyong Dios.”
“Ama” ang ating dapat itawag sa nagiisa at tunay na Diyos, na Diyos din ng Panginoong Jesus.
Paano naman ang pagsamba sa Ama sa katotohanan?
Mateo 6:10 “Dumating nawa ang kaharian mo. Gawin nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayon din naman sa lupa.”
Ang
pagsamba sa kaniya sa katotohanan ay ang pagsunod na dapat nating gawin
sa kaniyang mga kalooban o mga kautusan, dahil ito ang buong
katungkulan ng tao.
Ecclesiastes 12:13 “Ito ang wakas ng bagay; lahat ay narinig: ikaw ay matakot sa Dios, at sundin mo ang kaniyang mga utos; sapagka't ito ang buong katungkulan ng tao.”
Ito ang marapat na pagsamba sa Diyos na dapat nating isagawa, upang tayo ay maging kalugodlugod sa kaniyang paningin…
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento